PITONG akademikong departamento mula sa pamamahala ng Office of the Vice Rector for Academic Affairs ang isinailalim na sa Faculty of Arts and Letters (Artlets) upang masunod ang alituntuning “vertical articulation” na atas ng Commision on Higher Education (CHEd).
Dahil sa pagbabago, lumobo sa 350 mula 165 ang bilang ng mga miyembro ng faculty sa Artlets.
Naipatupad ang pagkakahanay ng mga departamento ng Philosophy, Literature, English, History, Foreign Languages, Political Science at Economics sa fakultad noong ikalawang semestre ng akademikong taon 2014-2015.
Sampu na ang departamento sa Artlets kabilang ang mga departamento ng Communication and Media Studies, Interdisciplinary Studies, at Sociology na dati nang nasa ilalim ng fakultad.
“Vertical articulation would provide synchronization between the academic disciplines and the faculties and colleges that they are related to,” ani Prop. Michael Anthony Vasco, dekano ng Artlets.
Ayon kay Vasco, bago pa man siya naitalagang dekano noong 2010, iminungkahi na ang paghahanay ng mga akademikong departamento sa Artlets noong panahon ng panunungkulan ni Armando de Jesus, dekano ng Artlets mula 2006 hanggang 2009.
Matapos ideklara ng CHEd ang programang philosophy bilang Center of Excellence at ang mga programang journalism at literature bilang Center of Development, isinunod ang realignment project. Inaprubahan ito ng Academic Senate na kinabibilangan ng mga dekano, at ng Board of Trustees at Board of Regents na binubuo ng mga miyembrong itinalaga ng Order of Preachers.
“There were already proposals to make A[rtlets] some sort of a service liberal arts college of the university, but it took several years to materialize … When some of our academic programs were able to acquire their center of excellence and center of development titles, we thought that we were ready to realign the programs [to the faculty],” ani Vasco.
Kaugnay pa rin ng realignment, nailipat ang Department of Psychology sa College of Science habang sa College of Education naman ang Kagawaran ng Filipino.
Bahagi ng CHEd Policies and Standards ang Vertical Articulation Policy na nagsisilbing basehan ng pagsusuri sa lahat ng mga paaralan upang masiguro ang magandang antas ng edukasyon sa bansa.
“Vertical articulation means the programs from bachelor’s, then master’s, to the doctorate degree levels are compartmentalized and aligned accordingly to the academic unit that grants the degree,” ani Vasco. “This would also mean that the faculty members are now managed by an academic unit that is directly related to the subject that they are teaching.”
Nilinaw naman ni Vasco na hindi bibitiwan ng mga gurong sumailalim sa Artlets ang teaching loads mula sa mga kolehiyong pinagtuturuan nila bago maipatupad ang realignment.
“The teachers are only academically aligned to the faculty. Magtuturo pa rin sila sa mga colleges kung saan nabigyan sila ng teaching loads,” sabi ni Vasco.