KINIKILALA ang maraming Tomasino sa husay sa pagpipinta. Isa sa mga naging matagumpay sa larangang ito si Manuel Baldemor na nagtapos ng kursong BFA in Painting sa dating College of Architecture and Fine Arts noong 1968.

Habang nag-aaral, nagtrabaho siya bilang tagaguhit at tagapinta ng mga billboard ng pelikula na noon ay gawa lamang sa kamay. Mula sa di-gaanong nakakariwasang pamilya, tubong-Paete Laguna, natuto rin siya sa sining ng paglililok.

Naging isang de-kalibreng pintor ng bansa si Baldemor at nakapaglibot sa halos 50 mga bansa dahil sa kanyang mga eksibisyon at likhang-sining sa Korea, China, Israel, Russia at Estados Unidos.

Isa rin siya sa orihinal na miyembro ng Saturday Group, pangunahing grupo ng mga pintor dito sa bansa. Ayon kay Baldemor, nahasa ang kanyang galing sa pagpipinta dahil sa pagsali sa mga impormal na sesyon ng grupo. Maliban sa pagiging pintor, si Baldemor ay isa ring printmaker at graphic designer.

Simula pa noong 1972 nagkaroon siya ng 121 solong eksibisyon ng kanyang mga likha. Tumanggap siya ng Thirteen Artist Award mula sa Cultural Center of the Philippines noong 1992.

Ang La Fiesta en la Ciudad at La Misa de Gallo ay mga kilalang likha ni Baldemor na ginamit sa mga greeting cards ng United Nations International Children Emergency Funds (Unicef) na ikinalat sa buong mundo bilang pagbibigay-tulong sa mga batang hindi gaanong nakakariwasa ang buhay.

Isa pa sa ipinagmamalaking gawa ni Baldemor ay ang Pasasalamat, isang pintang kinumisyon para sa himpilan ng United Nations sa Vienna.

Sanggunian: The Sunday Times Magazine (Peb. 15 2004)

READ
Archbishop launches pro-poor program

Tomasalitaan: Tunggak (pang-uri) – tanga

Halimbawa: Mas mabuti na ang maging tunggak kaysa maging tuso.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.