“Ang sukatan ng kilometrong nalalakbay ninuman ay ang lawak ng kanyang nagugunita at naitatala at lupalop na maaaring tahakin ng kanyang haraya.” — Eugene Y. Evasco, “Kilometro Zero”
MASIGLA ang panimula ni Pangulong Macapagal-Arroyo sa pagbubukas ng kanyang anim na taong panunungkulan bilang Pangulo ng Pilipinas.
Sa kanyang talumpati sa Luneta at panunumpa sa tungkulin sa Cebu, tila tumangkad ang Pangulo sa taas ng kanyang pangarap para sa bansa. Pumapaloob dito ang 10-point legacy na inaasahan niyang maganap bago dumating ang taong 2010, na inilatag niya sa harap ng libu-libong Filipino na umaasa sa pagbabago at pag-unlad. Kasama rito ang paglikha ng anim hanggang 10 milyong trabaho, pagtulong ng gobyerno sa mga Filipinong entrepreneur, pagpapaunlad sa agrikultura, edukasyon, tamang pangongolekta ng buwis, programang imprastraktura, paglalaan ng kuryente at maiinom na tubig, konstruksiyon sa Subic-Clark Corridor, komputerisadong eleksiyon, at kapayapaan sa Mindanao.
Tulad ng inaasahan, hati ang reaksiyon ng sambayanan. Mayroong positibo at naniniwala sa mga sinabi niya, may nagsasabi ring “palamuti” lamang ng Pangulo ang lahat ng kanyang pangako upang mabulag ang taumbayan.
Sa kanyang 20 minutong pagsasalita, kahanga-hanga ang ipinakita niyang katapangan matapos ang kontrobersyal na halalan. Maganda rin ang hamon niya sa mga kalabang pulitiko na makiisa sa kanyang gobyerno at ipamalas ang sigasig na ipinakita noong eleksiyon.
Huwag sana niyang hayaang malunod ang mga Filipino sa dagat na walang kasiguraduhan at patuloy na sumisinghap makita lamang ang mga nagkikislapang trabaho, paaralan, kuryente, tubig, lupain, at iba pa. Panghahawakan din ng sambayanan ang hamon niyang subaybayan siya sa pagsasabuo muli ng bansang Pilipinas.
* * *
Hindi ko magawang mainggit sa mga inilahad ng mga kaibigang matagal ding hindi nakasama matapos ang high school. Mayroong nagbahagi ng kanilang tagumpay sa pinili nilang larangan gayundin ang layo ng kanilang napuntahan at lawak ng karanasan. Nang tanungin nila ako, hindi ako nahiyang sumagot at nagmalaking nakasama ang mga kabataan at nakiisa sa mga gawaing pampamayanan.
Bilang pinuno ng isang samahan sa Bulacan (Guiguinto Scholars Association), naging malinaw sa akin ang kahulugan ng boluntarismo bilang uri ng serbisyong walang hinihintay na kapalit. Nalaman ko rito ang bisa ng pakikilahok ng kabataan sa kanyang pamayanan. Higit sa lahat, ipinakita nito ang kahalagahan ng kabataan bilang sangkap sa pagbabagong-panlipunan.
Hindi ako nagsisisi na inilaan dito ang karamihan ng aking oras dahil kapalit nito ang pagkabuhay ng “bagong kabataan” sa loob ko—isang lider na may paninindigan, talino, disiplina, lakas ng loob, at tiwala sa sarili.
Sa mga Tomasinong naghahanap ng mapaglilibangan at makakasama, pakasuriin ninyo ang papasukang grupo kung makatutulong ito sa pag-unlad at sa mga kabataang naging bahagi naman ng buhay ko, kayo ang mga “tunay” na kabataan, “makabagong” kabataan, at karapat-dapat tawaging “pag-asa ng bayan”. Salamat at dahil sa inyo, nakilala ko nang lubos ang sarili ko.
* * *
Tanggalin na ang buhol ng lubid, idaong na ang bangka, at magsisimula na ako sa paglalakbay upang ipagpatuloy ang aking mga pangarap at hangarin gamit ang kapangyarihan ng panulat.
Halika, samahan mo ako. Hindi ka maiinip, aawitin natin ang Talindaw. Malayu-layo rin ang hangganan ng paglalayag.