PAANO kung naging bihasa ka na sa sining ng pagkawala at hindi ka na muling makababalik pa sa iyong nilisang mundo?
Isinalarawan ng librong “Kasunod ng 909” (2012, UST Publishing House) ni Edgar Calabia Samar, isang kuwentista at propesor ng Ateneo de Manila University, ang marubdob na sining ng pagkawala at ang mayamang kasaysayan ng mga mito at alamat sa bansa.
Ayon kay Samar, ang kaniyang akda ay isa sa “trilogy” o ang mga tatlong sunod-sunod na nobela na kaniyang isinulat ngunit hindi magkakaugnay.
“Trilogy sila—ang ‘Walong Diwata ng Pagkahulog,’ ang ‘Kasunod ng 909’, at ang isa pang nobelang aking ginagawa—dahil ang kanilang pamagat ay may mga numero,” ani Samar sa Varsitarian.
Ang kaniyang nobela ay binubuo ng dalawang magkaugnay na kuwento ng paghahanap sa mga taong bigla na lamang lumisan nang walang pasubali’t pag-aalinlangan, at tanging mga alaala lamang ang kanilang iniwan.
Tampok sa unang akda ang magkaibigang sina Eman at Aaron—kapuwa nagsipagtapos pa lamang sa pag-aaral: si Eman na naniniwalang buhay pa si Aaron, na bigla na lamang nawala. Sa kabila ng pagluluksa ng lahat sa bangkay na pinaniniwalaang si Aaron, si Eman lamang ang nanindigang hindi iyon si Aaron dahil sa mga sikretong ipinagkatiwala ng kaibigan sa kaniya.
Sa kaniyang paghahanap, hahabulin si Eman ng mga tinatagong alaala niya sa kababata, kasabay ng pilit niyang pagkawala sa anino ni Aaron.
Samantala, ang ikalawang akda nama’y umikot kay Norman, ang lalaking nanggagaya ng iba’t ibang boses, na nabuhay noong dekada ‘50. Pinalaki siya ng kaniyang Tiyo Saling, isang bakla, nang biglang nawala ang kaniyang amang si Antonio sa kalagitnaan ng kanilang pagtatanghal.
Ang buhay ni Norman na puno ng maskara at pagkukubli ang siyang nagtulak sa kaniyang tumakas sa karaban upang hanapin ang ama at ang sarili.
Ang dalawang kuwento ay inilahad sa 23 kabanata ng akda. Maaaring sa una ay katakataka ang pag-uugnay sa dalawang kuwento, ngunit sa pagbasa ng akda nang walang patid, matutuklasan ang halaga ng takbo ng bawat kuwento.
Kolokyal na Filipino ang ginamit sa akda, kaya’t komplikado man ang pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari, naiparating pa rin ni Samar ang kaniyang mensahe.
Ginamit din sa nobela ang mito ng mga manananggal na ayon kay Samar, ay mga nilikhang kaiba sa nakikita sa ibang bansa. Sinabi niya rin ang nagaganap na pagbabagong-anyo sa mga manananggal ay isang talinghaga na dapat bigyang pansin.
“Pero sa akin, ‘yong fascination ko do’n sa mga manananggal ay nandoon sa katotohanan na unique ito sa Pilipinas dahil hindi ito ‘yung transformation na patungo sa isang hayop na kung saan nakikita ito palagi sa mga movies tungkol sa kababalaghan sa ibang bansa,” ani Samar.
“Sa akin, isang talinghaga ang transformation niya (manananggal) dahil hindi lamang ito sa hayop. ‘Yung transformation niya, kailangang may pagkaputol na nagaganap,” aniya Samar.
Ginamit din ni Samar ang kaniyang mga tauhan upang bigyang buhay ang kuwento ng iba’t ibang mga aswang, tulad ng paggamit ni Aaron ng mga manananggal bilang karakter sa kaniyang istorya. Si Saling naman, na sumusulat din ng mga dula, ay laging isinasalaysay kay Norman at sa kaniyang pinsan na si Miguel ang mga karanasan nito sa mga aswang.
Maliban sa kilala ang lalawigan ng Laguna bilang isang lugar na nababalot ng hiraya, pinili raw ito ni Samar bilang pangunahing tagpo sa kaniyang nobela dahil ito ang kaniyang kinalakihang lugar.
Ang panahon ng entablado na inaabangan at pinanonood pa noon ng mga tao upang malimutan ang trahedyang dinulot ng naturang kaguluhan ng digmaan laban sa Hapon ay binigyang pansin din sa nobela. Umikot sa iba’t ibang bayan ang Teatro Sta. Maria, ang karaban kung saan kasama si Norman, upang pakitaan ang mga tao ng mga salamangka’t pagtatanghal.
Ipinakita rin sa nobela ang mga libangan ng mga tao noon—bago pa man nauso ang panonood ng telebisyon at pakikinig ng mga drama sa radyo. Patok na patok noon ang mga komiks na kinahumalingan nina Norman at Miguel.
Matiyagang sinubaybayan ng magpinsan ang serye ng mga komiks na kadalasang may elemento ng kababalaghan ni Rodrigo San Juan. Ayon sa kuwento, mismong si San Juan din daw ang gumagawa ng kaniyang mga istorya para sa kaniyang komiks.
Binanggit ni Samar na sa ilang pahina ng libro ay may nakalagay na mga retrato ng mga gawa ni San Juan at ang isinapelikulang “Elvira Luna,” ang pinakasikat niyang komiks, ay mga kathang-isip lamang. Ito ay kaniyang ipinagawa upang mas maging kapani-paniwala ang kuwento at mas maengganyo pa ang mga mambabasa.
‘Di maikakaila ang mayamang kultura ng bansa tulad ng isinalarawang makukulay na kapistahan ng iba’t ibang bansa—ang pista ng mga asuwang sa probinsya ng Quezon at ang pista para sa taga-bantay sa Bundok Makiling na si Maria Makiling.
Masasabing ang Kasunod ng 909 ay hindi lamang tungkol sa paghahanap sa mga taong bigla na lamang nawawala, kundi para na rin sa mga paniniwala ng isang lipunang nakaaapekto sa kanilang pamumuhay. Ang patuloy na pagsasalin-salin ng mga mito at alamat, katulad na lamang ng mga kuwento ng mga manananggal, ay nagpapatunay lamang na nananatili pa ring buhay ang kultura’t kasaysayan ng bansa.