“Kahit maliit, may magagawa rin.”

Ito ang iginiit ni Arsobispo Gaudencio Rosales ng Maynila nang ipakilala niya ang “Pondo ng Pinoy” sa mga lider ng maralitang taga-lungsod noong Setyembre 17 sa Thomas Aquinas Research Complex.

Programa ng Caritas Manila ang Pondo ng Pinoy na naglalayong makalikom ng pera para sa mga proyektong pangmahihirap tulad ng micro-lending program para sa kabuhayan at pabahay, mula sa mga tig-25 sentimo na donasyon ng mga mamamayan.

Ipinaliwanag ni Rosales sa mga lider ng Kapwa Ku Solidarity Council (Kapwa Ku) na ito ang tugon sa “korupsyong numanakaw sa nararapat na serbisyong publiko sa mahihirap.”

“This (Pondo ng Pinoy) will be, in the next few years, the alternative to bad governance,” ani Arsobispo Rosales.

Sinabi pa ng Arsobispo na magsisimula ang micro-lending program ng Pondo ng Pinoy sa oras makalikom ng P10 milyon, kung saan maaring makahiram ang mga miyembro ng Kapwa Ku para sa kanilang mga legal na pangangailangan at pang-kabuhayan.

Sa loob ng dalawang buwang pagkakalunsad ng Pondo ng Pinoy, sinabi ni Arsobispo Rosales na nakakolekta na ito ng P2 milyon.

Binubuo ang Kapwa Ku ng 250,000 miyembro mula sa kalakhang Maynila na pangunahing suliranin ang lupa at pabahay.

Sinabi naman ni Prop. Aguedo Jalin, faculty researcher ng Center for Contextualized Theology and Ethics na patuloy pa rin ngayon ang pagpapakalat ng layunin ng Pondo ng Pinoy sa iba pang mga miyembro ng Kapwa Ku.

Inilunsad kamakailan ang Pondo ng Pinoy sa Faculty of Arts and Letters sa pangunguna ng student council nito, dahil sa planong gawing university-wide ang programa sa susunod na semstre. Jefferson O. Evalarosa

READ
Dear Joaquin

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.