PINARANGALAN ng Unyon ng mga Manunulat ng Pilipinas (Umpil) ang Varsitarian para sa mga katangi-tangi nitong ambag sa panitikan sa bansa sa pamamagitan ng Ustetika, ang taunang parangal pampanitikan ng Unibersidad.

Iginawad sa Varsitarian noong Agosto 27 ang “Gawad Pedro Bucaneg,” isang parangal sa mga natatanging samahang pampanitikan “na walang tugot na nagbibigay ng puwang sa paghubog ng mga susunod na henerasyon ng mga manunulat at mambabasa tungo sa lalong pagyabong at paglaganap ng Pambansang Panitikan ng Pilipinas.”

Ayon kay Abdon Balde Jr., tagapangulo ng Umpil, ang Varsitarian ay hindi lamang tumutuon sa mga usaping pang-kampus kundi pati rin sa pagapapaigting ng panitikan sa bansa.

“Hindi lamang tumutuon sa mga usaping pangkampus [ang Varsitarian] kundi marubdob na tumatanglaw sa paghahanda ng mga talentong nag-ambag nang malaki sa pamabansang buhay at ang karamiha’y naging mga bituin sa larangan ng pamamahayag at panitikan,” aniya.

Para naman sa pangkalahatang kalihim ng Umpil na si Michael Coroza, ang Ustetika ay nagluwal ng maraming tanyag na manunulat ngayon.

“Ang pagtataguyod ng the Varsitarian ng taunang Ustetika na nagluwal sa maraming tanyag nang manunulat sa ngayon at ang patuloy nitong paglinang ng mataas na disiplina sa sining ng pamamahayag sa kasapian nito ay kapuri-puri at karapat-dapat na kilalanin at pahalagahan,” aniya.

Sinabi ni Romulo Baquiran Jr., treasurer ng Umpil, ang Ustetika ay naging daan para sa maraming Tomasinong mag-aaral upang maging mga propesyonal na manunulat.

“Maraming kabataang estudyante ng UST ang tuluyang naging propesyonal na manunulat dahil sa rekognisyon na ibinigay sa kanila ng Ustetika. Nakatulong ito sa pagdiskubre sa kanilang mga sarili bilang artista at nakapasok [sila] sa komunidad ng mga alagad ng sining,” aniya.

READ
Chances are—

Ayon kay Vim Nadera, dating tagapangulo ng Umpil at tagapagtatag ng Ustetika, ang Gawad Pedro Bucaneg mula sa Umpil ang isa sa pinakamahalagang pagkilala na natanggap ng Ustetika.

“Ang Gawad Pedro Bucaneg ang isa sa pinakagintong gantimpalang handog ng Umpil sa ika-400 na kaarawan ng UST sa tulong ng the Varsitarian,” aniya.

Malugod namang tinanggap ng tagapayo ng Varsitarian na si Joselito Zulueta ang parangal mula sa Umpil.

“Labis ang aking pasasalamat sa Umpil sa karangalang ibinigay nila sa Varsitarian. Ito ay magsisilbing inspirasyon upang higit na paigtingin ang kalidad ng publikasyon. Ang Varsitarian ay patuloy na magbibigay-daan sa maraming kabataang manunulat upang mapayabong ang panitikang Filipino,” aniya.

Ang pagkakapili ng Varsitarian bilang tagatanggap ng Gawad Pedro Bucaneg ay resulta ng talakayan ng Gawad Search Committee ng Umpil na pinamumunuan ni Marne Kilates, isang makatang nagsusulat sa Ingles.

Iginawad naman ng Umpil ang Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas kina Elmer Ordoñez para sa essay in English, Fanny Garcia para sa katha sa Filipino, Herminio Beltran para sa tula sa Filipino, Sze Manchi para sa tula sa Tsino, Maria Luisa Defante-Gibraltar para sa kuwento sa Hiligaynon, Crisostomo Ilustre para sa katha sa Iluko, at ang Gawad Paz Marquez Benitez kay Paz Verdades Santos.

Tinanggap ni Zulueta at ng mga kasalukuyang patnugot ng Varsitarian ang parangal sa Pulungang Recto, Bulwagang Rizal ng Unibersidad ng Pilipinas.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.