ISANG mahalagang salik sa pag-unlad ng bansa ay ang pag-aaral ng sariling wika. Ito rin ay mahalaga para sa isang Unibersidad upang mapanatili ang pagpapayabong ng wikang Filipino sa loob ng mga akademikong institusyon. Ngunit paano kung kakaunti na lamang ang kumukuha at mismong nagbibigay ng kursong ito?

“Hindi kasi earning major ang Filipino, hindi katulad ng ibang major – sabihin [na] nating Science, Math, at English,” ani Beatriz Ribleza, guro ng Filipino sa College of Education.

Ito ang isa sa mga nakikitang dahilan ni Ribleza kung bakit unti-unting nawawala ang mga may interes na mag-major sa Filipino (BSE Filipino)—ang kawalan ng sapat na bilang ng mga mag-aaral sa isang kurso ang nagiging sanhi ng pagkatanggal nito.

“[Noong nakaraang taon] sabi ng Dean namin ay kailangan ng 20 [na estudyante] para mabuksang muli ang Filipino major. Ang nangyari, doon sa 20 na ‘yun, bagaman may mga sumunod sa orientation at merong mga pumayag na magmajor sa Filipino, sa bandang huli nawala. Ang bumalik lang na sulat ay mga 10 lang o 12 kaya hindi namin pupuwedeng buksan. Kailangan maabot naming yung 20. Nalulugi daw kasi ang Unibersidad kapag bubuksan tapos hindi 20 ang estudyante,” ani Ribleza.

Ayon naman kay Roberto Ampil, pangulo ng Departamento ng Filipino, ang desisyong pagtanggal ng Unibersidad sa Filipino major ay hindi isang makasariling desisyong pang-negosyo lamang, bagkus ay binigyang halaga at pagsusuri ng Unibersidad ang magiging kalagayan ng mga iilan lamang kung patuloy na bubuksan ang Filipino major.

“Sampung mag-aaral, magkano ang bayad sa mga guro, sa iba pang gastusin? Di ba lugi? Anong kasanayan ang maibibigay sa kanila? Sinong lugi, ang UST ba o ang mga mag-aaral mismo? Sa tingin ko ay hindi naman nagpapakita ng pagkamakasarili ang UST, nagiging realistiko lamang ito,” ani Ampil.

READ
Pope urges end to Holy Land violence

Isa pang nakikitang dahilan ni Ribleza ay ang pagbibigay ng ibang mga kolehiyo at unibersidad ng parehong kurso sa mas murang halaga.

“Meron namang mga kolehiyo o unibersidad na nagbibigay ng Filipino major na [mas] mababa ang matrikula gaya ng PNU, doon sila pumupunta,” ani Ribleza.

Sa kabila ng pagkawala ng Filipino major sa Unibersidad, patuloy naman ang pag-usbong ng bilang ng mga nagnanais magmajor sa Ingles dahil sa pagiging napapanahon at maluwag nito sa paghahanap ng trabaho.

“Ano ang mayroon sa Science, Math at English at nananatili itong buhay at matatag? Ito ang mga tanong na dapat sagutin para mabigyan ng pagpapatotoo [na hindi earning major ang Filipino],” ani Ampil.

Ang Hinaharap

Unang inihandog ang kurso na Bachelor of Literature in National Language. Noong 1941 bilang kauna-unahang kurso sa Filipino sa Unibersidad. Sa taong din iyon inilunsad ang BSE National Language sa Collge of Education na sa kalauna’y pinalitan ng BSE Filipino.

Taong 2005 naman nagsimulang itala ng Unibersidad ang bilang ng mga nagtatapos ng Filipino major. Sa unang tala ng Unibersidad na may tiyak na major, taong 2005, dalawang babae lamang ang nagtapos ng Filipino major samantalang 15 mag-aaral ang sa English major.

Sa sumunod na taon ay nag-iisang babae na lamang ang nagtapos ng Filipino major, habang nanatiling 15 ang sa English major.

Taong 2007 ay tumaas sa anim ang bilang ng mga nagtapos ng Filipino major ngunit tumaas din sa 20 ang sa English major. Ito na ang huling tala ng Unibersidad para sa kursong BS Education Major in Filipino at hanggang sa kasalukuyan ay hindi parin ito muling nabubuksan dito.

READ
Fallen Man

“Matatandaan natin taong 2010 lamang muling binuhay ang departamento ng Filipino kung kaya di masasabing may kaugnayan ito sa pagkawala ng Filipino major. Ang desisyon ay [buong] nagmula sa administrasyon ng Kolehiyo ng Edukasyon,” ani Ampil.

Ang Hinaharap

Sa pagsasara ng Filipino major sa Unibersidad ay nahaharap sa ilang mga suliranin tulad ng pagkawala ng sariling mga guro na magtuturo ng Filipino sa iba’t ibang mga kolehiyo.

“Ang nangyayari kasi imbes na kumuha kami na talagang galing sa Unibersidad, kumukuha pa kami yung galing sa La Salle, UP, at PNU. Wala ng produkto ang UST, ‘yun talaga ang resulta . Kaya palagi kong sinsabi sa mga bata na maganda ang Filipino major kasi nga hindi niyo ba alam na yung mga faculty dito tumatanda na, sinong papalit sa kanila, hindi ba kayo?,” ani Ribleza.

Sa pagbubukas ng susunod na pang-akademikong taon ay muling isasali sa orientation ng College of Education ang Filipino major. Ito ang unang hakbang sa muling pagbubukas ng kurso. Mananatili ang kalakarang maabot ang bilang na dalawampu ang tiyak na kukuha ng kurso bago ito muling mabuksan.

Sa kabilang banda, ang Departamento ng Filipino ay naglalayong masuri ng mas maigi ang usapin upang makapaghatid ng mga makabuluhang solusyon sa muling pagbubukas ng Filipino major. Ang ilang mungkahing gawin ay ang ebalwasyon ng kurikulum ng kurso, pagpapalakas ng faculty profile at pagyayatag ng linkages sa ibang institusyon.

“May mga paghahanda at pag-uusap na kaming ginagawa. Sa halip na BSE Filipino, ito ay AB-BSE Major in Filipino. Sa oras na ito ay mabuksan, isusunod naman ang MA at Ph.D sa Filipino sa Graduate School,” ani Ampil. J. M. T. Mutuc

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.