MASAKIT mang isipin, sabog pa rin ang mga Filipino.

Imposible na ‘ata ang makabasa o makapanood ng magandang balita sa bawat araw na lumipas. Nakakalunod na ang mga salungatan at pag-aaway, nakasusukang intriga’t siraan, at nakababaliw na sistema ng pamahalaan. Kung susuriin, walang matinong taong aasa na may mabuting kahahantungan ang lahat ng mga ito.

Sa pag-usad ng araw, pabigat nang pabigat ang papasanin ng mga susunod na “pag-asa ng bayan.” Bukod sa mga mamanahing utang at problema, nakaaawang amining walang maaaring maging imahen ang mga kabataang ito sa totoo at mapagkatitiwalaang pagpapalakad sa bayan. Sa bawat palitan ng salita, sa bawat sentimong ninanakaw, at sa bawat buhay na natutupos, tila dumarami ang rason ko para mangibang-bayan.

Ilang buwan na lang at darami na naman ang mga kabataang sasabak sa totoong mundo. At bilang isa sa kanila, kinikiliti ng kasalukuyang kalagayan ng bayan ang aking desisyong manatili dito upang makapag-ambag sa namumulubing bayan. Marami pa naman sana akong pangarap lalo na’t patuloy ang paghigop ko ng mga bagong kaalamang makatutulong sa kaginhawaan ng buhay.

Nasasayangan ako sa malaking bahagdang mawawala¯lakas at talinong Filipino¯na mapupunta lang sa mga dayuhan.

***

Kulang-kulang na lang sa walong buwang ang itatagal ko dito sa loob ng Unibersidad kaya sinasamantala ko na ito. Ayokong matulad sa ibang Tomasino na kung kailan sila nawala, doon lang nila natutunang mahalin at madiskubre ang kaaya-ayang “mundo” sa gitna ng Kamaynilaan.

Bagaman malayo pa ang Marso at hindi pa panahon ng pamamaalam, mas makabubuti nang maramdaman kong Tomasino nga ako sa ngayon, kaysa sa manghinayang na hindi ko naranasan man lang na humiga sa may field o umakyat man lang sa tuktok ng Main Building.

READ
Ang Varsitarian at si Jose Villa Panganiban

***

Mahirap pala’ng gumradweyt.

Ang thesis o research na marahil ang pinaka-malaking hamon sa estudyante sa ganitong panahon.

Sabay-sabay ang galaw ng mga relo, iisang lugar ng pagkikita, at iisang hanging nilalanghap¯lahat ay para sa iisang hangarin.

Bukod sa ilang gabing walang tulugan, tila pagbubunong-braso sa ga-higanteng kalaban ang pagbabasa ng mga aklat na tanging magiging gabay sa bawat usad ng pag-aaral.

Pero hindi lahat ng bagay ay may iisang kahahantungan.

Sa dinami-dami ng masusuwerte, hindi imposibleng walang maiiwan sa kanila. Masakit marahil ang isiping aakyat silang lahat sa entablado samantalang nanonood ka naman sa isang sulok at kinakawayan ng mga kaklaseng minsang kasama mo sa pagbabasa ng mga gabundok na aklat.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.