SA PAGSISIMULA ng Varsitarian noong taong akademiko 1928-1929, naluklok bilang katulong na patnugot ang tinaguriang “ama ng Varsitarian” na si Jose Villa Panganiban. Dahil siya ang pangulo ng UST Literary Society, si Pablo Anido, isang estudyante ng Medisina ang naging punong patnugot. Natalaga namang kauna-unahang tagapamahalang patnugot si Juan Cabildo.
Sa ilalim ng pamamahala ni Panganiban sumibol ang panitikang Tomasino. Naging patnugot ng panitikan si Paz Latorena, kilalang kontemporanyong kwentista noong dekada 30.
Nangunguna si Latorena sa kanyang larangan. Pinakatanyag sa kanyang mga akda ang “The Small Key,” na hanggang ngayon ay tinatalakay pa rin sa mga kursong pampanitikan.
Naging guro rin si Latorena ng napakaraming mga dakilang pangalan sa panitikan tulad ni F. Sionil Jose, pambansang alagad ng sining sa panitikan. Noong mga panahon ding iyon ipinamalas ni Jose Maria Hernandez, isa pang taga-Varsitarian, ang husay sa paglikha ng mga therapeutic at napapanahong tula.
Sa pamumuno ni Panganiban, tumanggap ng mga papuri ang pahayagan dahil sa mahuhusay na editoryal, kaaya-ayang piyesa-opinyon, napapanahong balita, at maayos na lay-out.
Sa loob ng pahayagan
Marami sa mga isyu ng Varsitarian sa panahon ni Panganiban ay kinapapalooban ng mga kasabihan, anekdota, liham sa patnugot, iskedyul ng mga pelikula, suskrisyon, imbitasyon, suliraning akademiko, solusyon at marami pang iba.
Nakalathala din sa Varsitarian ang mga tula at sulating nagpaparangal sa Unibersidad.
Sinimulan din ni Panganiban ang tanyag na “Inquiring Reporter,” isang seksiyon ng pahayagan na kinalalathalaan ng mga opinyon ng mga mambabasa.
Patuloy pang umusbong ang mga pahinang pampanitikan sa Varsitarian. Ilan sa mga kathang nailimbag ay ang “The Ghost of España,” at “Teacher and Pupil” ni Panganiban.
Samantala, sa kauna-unahang pagkakataon, ang “The Pancitarian,” isang pahinang panlibangan, ay nabuo sa tulong ng mga kartunista ng Varsitarin na pinangunahan ni Arca La Monta.
Sa Pancitarian pinaniniwalaang nagsimula ang mga isyung satiriko ng Varsitarian, ang Vuisitarian, na inilalabas taun-taon.
Nakilala rin ang seksiyong pampalakasan ng Varsitarian noong panahong ito dahil kay Sebastian Ugarte, isang footbal player at kauna-unahang patnugot ng palakasan .
Ngunit patuloy pa ring naghirap ang Varsitarian dahil sa mababang sirkulasyon. Kagyat na naisipang imungkahi ni Panganiban na isama sa matrikula ang bayad sa pahayagan.
Sanggunian:
Varsitarian History, di-pa nalillimbag na manuskrito c. 1970’s