ISANG 14-taong gulang na mag-aaral ang naging biktima ng pandurukot sa labas lamang ng Unibersidad.

Nilaslas ng hindi pa nakikilalang lalaki ang bag ni Aaron Joseph Santos, estudyante ng Don Bosco Technical College, habang ito ay naghihintay ng masasakyan sa waiting shed malapit sa España overpass noong hapon ng Hulyo 17.

Tinangay ng kawatan ang Apple iPod Nano ng biktima na bagamat naramdamang may bumunggo sa kanya ay hindi namalayan ang paglaslas sa tagiliran ng kanyang bag ng mandurukot.

Bunga ng pagkalito at kawalan ng kaalaman sa sistemang pangkaligtasan ng Unibersidad, hindi naisumbong ni Santos ang pangyayari sa mga kinauukulan.

“Gusto ko sanang magsumbong kaso hindi ko rin alam kung saan magsusumbong,” ani Santos na nagtungo lamang sa UST upang kumuha ng application form para sa nalalapit na entrance exam.

Sa pareho ring lugar noong Hunyo, hinablot naman ng dalawang kalalakihan ang gintong kuwintas ni Lolita Yang, ina ng isang Accountancy freshman.

Sa isang panayam, sinabi ni Clemente Dingayan, hepe ng Security and Safety Office, na hindi namimili ang mga mandurukot ng kanilang magiging biktima kaya’t hindi rin ligtas maging ang mga estudyante mula sa ibang paaralan.

“Palagi naming pinapa-alalahanan ang mga bata na ingatan ang kanilang mga gamit dahil hindi natin masasabi kung kailan muli mambibiktima ang mga mandurukot na iyan, bagama’t patuloy nating minamanmanan ang paligid ng Unibersidad,” ani Dingayan.

Ayon pa kay Dingayan, mainam na ipaalam kaagad ng mga biktima ang mga insidente ng nakawan sa mga guwardiya na nakahimpil sa bawat lagusan ng UST, maging sa mga lumilibot na guwardya sa mga kalye ng A.H. Lacson at España, Dapitan at Padre Noval.

READ
Mixing melodies with prayers

“May mga estudyante na hindi na muling nakukuha ang kanilang mga nanakaw na gamit bunga ng hindi pagsangguni sa mga kinauukulan,” pahayag ni Dingayan. “Maaari rin sanang makatulong ang mga barangay centers sa paligid ng UST kung ipapaalam lang kaagad ng mga biktima ang insidente.”

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.