HINDI DAPAT gawing magarbo ang paghahanda para sa pagbisita ni Pope Francis sa bansa sa susunod na taon, ayon sa ilang miyembro ng kaparian.

Pormal na inanunsyo ng mga pinuno ng Simbahan sa bansa ang pagbisita ng Santo Papa sa Pilipinas sa ika-15 hanggang ika-19 ng Enero 2015, pagkatapos ng kanyang pagbisita sa Sri Lanka. Inaasahang tutungo ang Santo Papa sa Leyte upang bisitahin ang mga biktima ng bagyong “Yolanda” sa Tacloban at Palo.

Ayon kay P. Efren Rivera, O.P. propesor sa Fakultad ng Teolohiya sa Unibersidad, magiging iba sa nakasanayan ang pagbisita ni Pope Francis dahil ang layon ng Santo Papa ay ang makasama ang mga biktima ng bagyong “Yolanda.”

"Naiiba ang papal visit ngayon dahil walang magaganap na World Youth Day o beatification. Dadating si Pope Francis upang ipakita ang malasakit niya sa mga Pilipinong dumaan sa trahedya,” ani Rivera.

Dagdag ni Rivera, kailangang maging “low key” ang paghahanda dahil ang anumang pagpapakita ng karangyaan ay “insulto” para sa mga naghihirap na kababayan.

“Ang preparasyon at maging ang bisita mismo ay dapat ‘low key.’ Iwasan natin ang kahit anong nagpapakita ng karangyaan at kapangyarihan,” ani Rivera. “Ang gusto ng Santo Papa ay ituon natin ang ating pagmamahal sa kapwa at hindi lamang sa kanya.”

Sinang-ayunan ito ni Arsobispo John Du ng Palo, Leyte, at nagsabing ang pagbisita ni Pope Francis ay isang pastoral na pagbisita na may layuning patibayin ang pananampalataya at relasyon ng bawat mamamayan sa Diyos.

“Pupunta si Pope Francis sa Pilipinas at Leyte bilang pastol na aalalay sa mga taong nasalanta ng bagyo patungo sa unti-unting pagbangon,” ani Du sa isang panayam sa Varsitarian.

READ
Works of Thomasian artists fetch high bids at Leon auction

Sinabi din ni Kardinal Luis Antonio Tagle, arsobispo ng Maynila, na si Pope Francis mismo ang humiling na maging payak ang kanyang pagbisita.

“Para mas makasalamuha ang mga mamamayan ng Leyte, gusto talaga ni Pope Francis na gawing tahimik at simple lang ang kanyang pagdalaw,” ani Tagle sa isang pulong-balitaan noong Hulyo 7 sa Arzobispado de Manila sa Intramuros.

Hindi naman kinumpirma o itinanggi ni Tagle ang posibilidad ng pagbisita ng Santo Papa sa Unibersidad at iba pang lugar sa Maynila.

“Walang opisyal na anunsyo kung bibisita nga si Pope Francis sa UST, ngunit sa mga

nakaraang pagbisita ng mga naging Santo Papa, UST has always figured as one of the

sites of the Pope’s interaction with the youth,” ani Tagle sa sumunod na pulong-balitaan noong Hulyo 29 sa Arzobispado, kung saan pormal na inanunsyo ang mga araw ng pagbisita ng Santo Papa.

Ito ang magiging ikaapat na pagbisita ang isang Santo Papa sa Unibersidad, kasunod ni Pope Paul VI na bumisita noong 1970 at Pope John Paul II noong 1981 at 1995.

Si Pope Paul VI ay ang unang Santo Papang bumisita sa Asya at iba pang bansa sa labas ng Europa. Noo’y itinuring na isang bihirang pangyayari ang pagbisita ng Santo Papa sa labas ng Italya. Gayunpaman, iwinaksi ni Pope Paul VI ang imaheng ito nang bisitahin niya ang bansa noong Nobyembre 27 hanggang 30, 1970.

Dumaan si Pope Paul VI sa Unibersidad noong Nobyembre 28, 1970 at nakipagpulong ang mga obispo sa Asya sa Medicine Auditorium.

Bumisita naman si Pope John Paul II noong 1981 para sa beatipikasyon ni Lorenzo Ruiz, na naging kauna-unahang Filipinong santo.

READ
Vargas quits CHED's nursing committee

Nang bumalik ang Santo Papa sa bansa noong 1995, nadoble ang pagbubunyi ng taumbayan lalo na at sumentro sa kabataan ang kanyang pagbisita.

Bilang isang pontipikal na institusyon, mayroong espesyal na pribilehiyo ang Unibersidad sa atensyon ng Santo Papa, ani mismo ni John Paul II nang magbalik ito sa bansa noong 1995 para sa ika-sampung World Youth Day.

Limang milyong katao ang nakibahagi sa huling misa sa pagbisita ni Pope John Paul II sa Luneta noong 1995, ang pinakamalaking pagtitipon sa kasaysayan. Ang pagbisita ni Pope Francis ay tataon sa ika-20 taong anibersaryo ng pagtitipong ito.

Habag at pakikiramay

Pinaalalahanan ni Tagle ang publiko na pagnilayan ang sarili at ang buhay-espiritwal bilang paghahanda sa pagbisita ng Santo Papa, habang hindi pa inilalabas ang mga detalye ng pagbisita.

“Maisasaayos naman ang mga lohistika at iba pang isyu ng seguridad ngunit mahalagang maintindihan ng mga tao kung bakit sila naghahanda. Huwag nating kalimutang isang pastor ang darating,” ani Tagle.

Ayon kay Pedro Arigo, obispo ng Palawan, hindi dapat ituring na isang “celebrity” ang darating.

“Ang tingin ng iba ay parang celebrity ang darating. Sana ay mas ituon nila ang kanilang pansin sa mga sasabihin at aral ni Pope Francis,” ani Arigo sa Radyo Veritas noong Agosto 5. “Isang insulto sa mahihirap kung gagawing magarbo ang pagbisita ng Santo Papa.”

Ang tema para sa pagbisita ng Santo Papa ay “A Nation of Mercy and Compassion,” na sumasalamin sa pastoral na karakter ng pamumuno sa Simbahang Katoliko ni Pope Francis.

Sa isang liham-pastoral na inilabas noong Hulyo 7, inanyayahan ni Arsobispo Socrates Villegas, pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, ang mga layko na isabuhay at palawigin ang pagkakaroon ng habag sa kapwa.

READ
Vicente Rosales, Sr.; 80

“Ang nangungunang tema ng pagbisita ng Santo Papa ay tungkol sa habag at pakikiramay. Ang pinakamainam na paraan upang paghandaan ang pagdating niya ay ang pagiging isang bansang sagana sa awa,” ani Villegas, arsobispo ng Lingayen-Dagupan.

Maaaring mapamalas ang pagiging mahabagin sa pagbigay tulong maging sa mga hindi kakilala, pagbigay ng pagkain sa mga pulubi, o sa pagtulong sa paggawa ng mga panibagong tirahan para mga biktima ng bagyo, dagdag niya.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.