“Minsan, sa kakahanap ng tao sa pilak, hindi niya napapansin ang gintong nasa kanyang harapan” – Salawikaing Filipino

BAKIT hindi makuntento ang tao sa mga bagay na mayroon siya?

Ito ang tanong ko sa sarili. Mula pagkabata, pilit ko itong hinahanapan ng sagot, ngunit naging mailap sa akin ang sagot.

Hindi ko matiyak kung naramdaman ko bang maging kuntento kahit minsan. Wala kasing pumapasok sa isip ko maliban sa pagkainggit sa mga kalarong may mga bagong laruan, sa mga kaklaseng may mga dalang naggagandahang gamit sa paaralan, at nitong huli, sa mga kasamahang may mga matatalino’t mababait na kaibigan.

Isang matalik na kaibigan ang muntik nang nawala sa akin dahil sa kapangahasan. Inisip ko kasing hindi tunay na pagkakaibigan ang mayroon kami. Inisip kong hindi siya isang tunay na kaibigan na karapat-dapat para sa akin, at kailangan kong hanapin kung sino man iyon.

Sa isang iglap, ang dating masasayang kuwentuhan ay napalitan ng malalamig na usapan. Biglang nawala ang interes ko sa mga dating pinagkakasunduan namin at pinagkakaabalahan. Nadama ko ang pagkasawa sa mga gawaing kinagisnan namin. Nanamlay ang pakikitungo ko sa kanya at tuluyang ibinaling sa ibang tao ang aking panahon—nang hindi ko man lamang iniisip ang kanyang maaaring naramdaman.

Sa pakikisalamuha ko sa iba’t ibang “bagong” tao, pilit kong hinanap ang taong nakahihigit sa aking isinantabing kaibigan. Umasa akong matatagpuan ko na ang “tunay na kaibigang” hinahangad ko.

Ngunit minsang napagod ako, sinubukan kong ibalik sa aking sarili ang aking tanong. Kanino nga ba talaga ako higit na sasaya bilang kaibigan at uunlad bilang tao?

READ
Fr. Rector: 'Radical changes' coming

Pikit-mata kong hinanap ang sagot. Hindi tulad noon na nakatingin sa iba, tinutukan ko ang aking puso.

Maaaring marami ang higit na matalino at higit na mabait kaysa sa aking kaibigan ngunit wala sa mga ito ang maluwag na tumanggap sa akin bilang kaibigan at bilang tao nang tulad ng sa aking matalik na kaibigan.

Siya ang tanging nakaiintindi sa aking mga kakulangan, kahinaan at pagkakamali. Siya lang ang nagpapahalaga sa aking mga tagumpay at pagpupunyagi. At sa loob ng panahong naghahanap ako ng tunay na kaibigan, hindi ko namalayang nanatili siya sa aking tabi.

Habang iniisip ko ang pagkatuto kong dulot ng aking kaibigan, bigla kong naalala ang minsang sinabi sa akin ng aking ina¯mahalaga raw sa tao ang matutuhan nitong makuntento sa mga bagay na mayroon siya, sapagkat iyon ang buhay na paalala ng Diyos ng Kanyang pagmamahal.

Panalangin: Panginoon, salamat po sa mga pagsubok na inilaan Ninyo sa amin upang maramdaman at matimbang namin ang aming mga pagkukulang sa aming mga kapwa. Tulungan Ninyo po kaming maramdamang kumpleto ang buhay na ipinagkaloob Ninyo sa amin. Lahat ng ito, sa ngalan ng Inyong anak na si Hesus. Amen.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.