HINDI ganap na mabuti ang isang mabuting gawain kung hindi ito nagmumula sa mabuting loob. Baliwala ito kung may kapalit dahil hindi naghahangad ng pabuya ang tunay na matulungin. Sabi nga ng matatanda, batuhin ka man ng bato, iganti mo ay tinapay. Samakatuwid, likas sa kanya ang pag-aalala para sa iba.
Marunong manahimik ang nagmamahal. Hindi kailangang ipagsigawan at ipangalandakan ang damdamin. Marunong magtimpi ang ganap na umiibig.
Nabuo ko ang mga konseptong ito, partikular ang unang linya, sa tulong ng sanaysay ni Florentino Hornedo na pinamagatang “Pagpapakatao.” Labis ang tuwa ko nang mabasa ito dahil karamihan ng aking paniniwala noon pang pagkabata ay naisulat niya sa pamamaraang gusto ko ring sabihin.
Palibhasa, laking Maynila, namulat ako sa mga kalyeng punong-puno ng banderitas at larawan ng mga pulitiko. Mas naalala ko ang isang eskinita, hindi dahil sa pangalan nito kundi sa malalaking tarpaulins ng konsehal. Nagtataka ako bakit tuwing may gagawing kalsada, gusali, o ultimo kanal ay may nakasabit na banner. Laman nito ang mukha ng alkalde, presidente, konsehal o kongresista.
Para saan at para ano? Para siguro pasalamatan sila at naisaayos na rin nila sa wakas ang tubo ng tubig, ang espaltong durog, ang inaanay na public library (na walang bumibisita dahil wala yatang mahilig o marunong magbasa) at kung anu-ano pang abubot ng barangay. Ngunit kung tutuusin, hindi natin sila kailangan pasalamatan dahil iyon naman talaga ang kanilang trabaho. Iyon ang dahilan kung bakit sila sumusweldo mula sa ating buwis. Iyon ang pangunahing responsibilidad nilang hiningi nang mangampanya. Sa totoo lang, wala tayong utang na loob sa kanila dahil ang “serbisyong publiko” ang tanging katuturan sa kanilang job description. Nakalulungkot lang isipin na tuwing may kalamidad, punung-puno ng pasasalamat ang bibig ng mga biktima para sa mga pulitiko na nagbigay ng mga canned goods. Nakapanlulumo na hindi yata alam ng mga biktima na karapatan nila ang makakuha ng tulong mula sa mga opisyales na binoto at pinapasweldo nila. Ang resulta nito, pagpapapogi at pagpapaganda ng mga pulitiko.
Ayon kay Hornedo, “may katwiran ang taong singilin ang kapwa na ipagkaloob sa kanya ang nararapat na tanggapin niyang paggalang at angkop na pagtanaw sa kaniyang mga pangangailang katutubo.”
Karapatan natin bilang kasapi ng lipunan ang humiling ng naaayon na serbisyo mula sa gobyerno. Kung walang masa, walang elitista. At kung hindi dahil sa boto natin, hindi mahahalal ang mga opisyales sa isang posisyon, kung saan “public service” ang naghahari.
Sa nalalapit na eleksyon, tigilan na natin ang pagmumukhang kawawa, alipin, at uto-uto. Itatak na rin sa ating isipan na ang tunay na mabuti, matulungin at mapagmahal na kandidato ay hindi naghahanap ng atensyon, hindi maingay, at hindi gutom sa pasasalamat.