HANDA na ang mga plano para sa UST-Baguio.
Ayon kay Prop. Flora Hizon, tagapangulo ng proyektong pabahay ng Faculty Association of UST (FAUST), itatayo sa isang lupang may sukat na 50 ektarya sa Baguio ang binabalak ng Unibersidad na satellite campus.
“Kung ano’ng nakita mo sa UST, ganyan (din) doble lang ang laki ,” wika ni Hizon.
Ang kampus ay nasa Benguet at malapit sa Baguio, dagdag pa niya.
Ayon sa planong inihain ng FAUST sa administrasyon, maituturing na isang kumpletong komunidad ang UST-Baguio dahil mayroon itong sariling eskwelahan, ospital, simbahan,
retreat house, botanical garden, herbal processing laboratory, multi-purpose cooperative, residential units, at iba pa.
Idinagdag pa niya na ilalagay sa harap ng kampus ang isang replica ng Arch of the Centuries.
“Nag-(de-desisyon sila) kung medical school dahil may hospital, or elementary lang at saka high school muna. This is still under consideration ng UST, may plano na (pero) for the approval of the Rector,” dagdag pa ni Hizon.
Subalit, ayon pa rin sa kanya, hindi pa naaaprubahan ng administrasyon ang nasabing proyekto dahil sa kawalan ng pondo.