ITO ANG huling bakasyon ko pero heto’t walang puknat akong pumapasok sa opisina. Imbes na pinaplano kung saang probinsiya pupunta narito ako’t patangu-tango sa bawat i-utos ng mga nakakataas sa akin.

Pagpatak pa lang ng Marso ay nagkukumahog na ako sa paghahanap ng mapapasukan para sa aking practicum. Puno ng sigla kong sinuyod ang bawat opisinang nakasulat sa listahan. Dala ang lakas ng loob, tinanggap ako sa isang produksiyon sa Makati. Bitbit ang kaalamang natutunan ko sa USTe sumabak ako sa pagsasanay bilang production assistant trainee.

Unang araw pa lang, tambak na ang naging trabaho ko. Kaliwa’t kanan ang mga bilin, sunod-sunod ang mga utos na dapat sabay-sabay matapos, at hindi uso ang trabahong pambabae o panlalaki lang, dahil lahat dito’y kailangan gawin, gaya na lang ng pagbubuhat. Kaya’t kahit sa nipis ng katawan, napilitan akong magbuhat ng mga naglalakihang aparato, ilan na dito ang mga kamera, spider tripods, at mga ilaw na ginagamit sa studio.

Mahirap at talagang nakakapagod — ito ang madalas kong banggitin sa tuwing may nag-uusisa tungkol sa aking OJT . Kasabay nito ang pangungunot ng noo at walang humpay kong pagrereklamo sa dami ng mga pinapagawa sa opisina.

Sa produksyon walang tulugan, walang paupu-upo, at balewala ang hindi pagligo. Ito ang buhay sa larangang pinasok ko at bilang isang nangangarap na mapabilang baling-araw sa mga himpilang ganito, nagsasanay na akong ‘di maligo kahit intern pa lamang ako.

Maging sa bawat hudyat ng direktor ay nakakaramdam ako ng kaba kahit hindi ako ang nakaharap sa kamera, marahil dahil dito na magkakaalaman ng kapalpakan ang bawat isa. Bilang PA trainee ay naiikutan ko ang lahat, kung kaya naman minsan naghahanda ako na mapagbuntunan ng sisi. Ang mga salitang “Pack up!” na marahil ang pinakamasarap na marinig pagkatapos ng taping at ito ang pampakalma sa lahat ng tension na naramdaman sa buong programa.

READ
Ano ang kinabukasan ng pag-aaral ng sariling wika?

Kadalasa’y gabi ang umpisa ng pakikipagsapalaran ko. Takbo rito, takbo roon, ‘di pwedeng umiling at tumanggi sa bawat pinag-uutos ng mga boss, kung ayaw mong matapatan ng sinko. Madalas akmang uupo ka na may iuutos pa pala, gustuhin ko mang magreklamo, wala namang magagawa kundi ang magkunot na lang ng noo. Ika nga, intern ka pa lang at saling-pusa lang sa opisina.

Paulit-ulit at tila walang katapusang patung-patong ang mga trabaho ko. ‘Di ko tuloy maiwasang isipin na malamang pinapasa lang ng mga nakakataas sa akin ang gawain nila para sila itong makapagpahinga. Minsan napapatigil ako at napapatanong kung bakit ko ginagawa ang lahat ng ito. Ang napaka-ma reklamong taong tulad ko ay nagagawang sumunod at magyukod ng ulo sa mga taong ni-hindi naman kilala. Tanging nagpapalakas na lang ng loob ko ay ang kaalamang matututunan ko sa puntong ‘to upang magpalawig ang aking kaalaman para sa susunod pang mga araw.

Pansamanatala kong kinalimutan ang masarap na samyo ng hanging habagat, at pilit na nilabanan ang igting na pananabik ko na magkaroon ng bakasyon, at makasama ang mga kapamilya’t kaibigan, kapalit ng isang makabuluhang pagsasanay na magagamit ko para sa aking walang kasiguraduhang hinaharap.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.