PINARANGALAN ng Unibersidad ang 11 retiradong non-academic na manggagawa nito noong Nob. 19 sa Main Bldg. dahil sa kanilang humigit kumulang na 20-40 taong serbisyo sa UST.
Inulan ng parangal at pasasalamat sina Lorenzo Bertolano, Rolando Ferrer, Remigio Paragas, Julio Manganti, Jr., Cirilo Santiago, Roberto Fajardo, Oscar Teodosio, at Abelardo Santelices ng Buildings and Grounds Department (B&G), Cecilio Buenaventura at Tomas Padullo ng Faculty of Medicine and Surgery, at Crispino Paldeng ng Faculty of Engineering.
Gayundin, taus-pusong pasasalamat ang isinukli ng mga retirado.
“Hindi ko malilimutan ang tulong at oportunidad na naibigay ng UST para sa akin at sa aking pamilya,” ani Santelices, campus caretaker ng B&G.
Lubos na ikinagalak ng mga retirado ang tribute na inihanda para sa kanila at sa kanilang pamilya
Bukod sa plaque of recognition, binigyan din ng Unibersidad ang naturang mga manggagawa ng retirement pay depende sa haba ng kanilang paninilbihan sa Unibersidad.
Ayon kay Monalisa Perez, Human Resource Department (HRD) assistant director, nais ng Unibersidad na magsilbing halimbawa ang ibinigay na parangal upang malinang ng mga manggagawa—non-academic o hindi—ang kanilang kakahayan sa kani-kanilang trabaho.
“Things like this may be ordinary, but for these employees, it means a lot,” dagdag ni Perez.
Layunin ng HRD na taunang magbigay ng pagkilala sa mga nagawa ng non-academic employees. M. E. V. Gonda