Jose Rizal: Ugnay ng nakaraan, kasalukuyan

0
22746

MAKALIPAS ang isang siglo mula nang ibuwis ni Dr. Jose Rizal ang kaniyang sariling buhay para sa Filipinas, patuloy pa rin sa kasalukuyan ang kanyang impluwensiya sa pagbuo ng nasyonalismo.

Siya ay isang magandang ehemplo para sa mamamayang Filipino dahil sa kaniyang “critical engagement” o malalim na pang-unawa tungkol sa iba’t ibang paksa, ayon sa isang historyador.

“Kung nabubuhay si Dr. Rizal ngayon, unang-una siya sa mga magkokomento ukol sa mga isyu sa ating lipunan. Bago niya gawin ‘yon nakapagsaliksik na siya at inalam na niya ang kabuuan ng mga isyung ito, kagaya ng ginawa niya noong ika-labinsiyam na siglo,” ani Eloisa de Castro, propesor mula sa Unibersidad, sa isang panayam sa Varsitarian.

Iginiit ni de Castro na makatutulong ang makabuluhang kamalayan sa pagtugon sa bawat isyu, lalo na sa pagkilates ng tama at mali.

“Kung wala kang malalim na kaalaman o pagkakaintindi ng konteksto, wala ka ring karapatan na magbigay ng opinyon, kasi nagdaragdag ka lang ng mas maraming kalituhan at hindi lang kalituhan kung hindi, you are a purveyor of fake news,” giit ni de Castro.

Ayon pa sa kaniya, nakapaloob din sa critical engagement ang malalim na kaalaman sa kasaysayan ng bansa.

“Kung mababaw ang pagkakakilanlan mo sa iyong sarili, mababaw ang kaalaman mo sa kasaysayan. Pinag-iiwanan tayo ng kasaysayan dahilan sa hindi natin siya pinapansin,” wika ni de Castro.

Wika ni de Castro, kung nabubuhay si Rizal ngayon, siguradong may opinyon siya mga napapanahong isyu sa bansa tulad ng extrajudicial killings, isyu sa South China Sea, estado ng politika at sa mga taong ginagawang biro ang kasaysayan.

Pinuna rin ni De Castro ang mga taong ginagamit si Rizal sa mga uri ng pagbibiro sa social media.

“Ang ginagawa nila ay paglapastangan even if it is in modern day context. Kalapastangan pa rin ‘yon para sa akin. Ang taong ginagamit nila ay isang tao na excellent at napakagandang halimbawa bilang isang tao at Filipino,” giit niya.

Nilinaw ni de Castro na nagampanan ni Rizal ang kaniyang mga tungkulin para sa bayan noon na dapat mabigyang ng pansin ng sambayanang Filipino.

“Hindi mo masasabing nagpabaya si Dr. Jose Rizal sa responsibilidad niya bilang isang Filipino noong ika-labinsiyam na siglo. Sa katunayan, ano ba ang irereklamo mo sa buhay niya, ibinigay niya ang kaisa-isa niyang buhay para sa sambayanang Filipino,” wika niya.

Ipagdiriwang ang ika-122 na anibersaryo ng pagkamatay ng pambansang bayani ng bansa na si Jose Rizal sa ika-30 ng Disyembre.

Si Rizal ang may akda sa likod ng mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo na kumakatawan sa kaniyang critical engagement noong panahon ng pananakop ng mga Espanyol.

Gamit ang panulat, patuloy siyang tinitingala dahil sa kaniyang taglay na tapang at talinong sumasalamin sa isang intelihenteng Filipino.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.