KASABAY ng paglabas ng rekomendasyon ng Kongreso na nagsasabing ilegal ang mataas na pagtaas ng matrikula ang paglakas ng panawagan ng ilang organisasyon ng mga estudyante na bawiin ang Memorandum Order 14 (CMO 14) ng Commission on Higher Education (Ched). Ilegal at labag daw ito dahil ipinapahintulot nito ang mga pribadong kolehiyo at unibersidad na itaas ang matrikula hanggang 7.6 porsiyento.

Ayon kay Northern Samar Rep. Harbin Abayon, vice-chairman ng Committee on Higher and Technical Education (CHTE) ng Mababang Kapulungan, nilabag ng Ched ang seksyon 10 ng Republic Act 6728 na nagsasaad na kailangan munang konsultahin ang mga estudyante at iba pang mga sektor ng paaralan sa anumang planong pagtataas ng matrikula. Hindi raw nagagampanan ng Ched ang kanilang atas na kontrolin ang pagtaas ng matrikula, bagkus gumawa ito ng kautusang nagpalegal dito. Ayon pa sa CMO 14, maaring hindi na sumailalim sa konsultasyon ang pagtaas ng mga ibang bayarin (miscellaneous fees, atbp.) basta’t hindi ito lalagpas sa inflation rate ng taon.

Tinig ng mga estudyante

Ngayong taon, 390 pribadong paaralan ang nagtaas ng kanilang matrikula ayon sa Ched, na siya namang binatikos ng iba’t ibang grupo sa loob at labas ng UST.

“Naging parang ‘moro-moro’ ang konsultasyon noong Marso kasama ang mga kinatawan ng mga estudyante ng UST dahil nakalatag na ang CMO 14 at wala nang kapangyarihan ang mga estudyante para pigilan ang implementasyon nito,” ani Vincent Topacio, estudyante ng Faculty of Civil Law at tagapagsalita ng Alliance of Concerned Thomasians (ACT-Now), sa isang panayam ng Varsitarian.

Hiniling ng samahan na pigilan ang implementasyon ng CMO 14.

READ
'Gumawa ng makataong dokumentaryo'

Ayon kay Topacio, nagbigay na ang ACT-Now ng dalawang petisyon sa Ched na hindi pa rin nito tinutugunan hanggang ngayon. Nagpaplano ang Act-Now na magbuo ng mga talakayan tungkol sa isyu. Subalit sinabi rin ni Topacio na problema ang kawalan ng impormasyon ukol sa CMO 14 kaya’t kaunti lang ang nakakaalam sa mga probisyon nito. Bukod sa grupo, may mga organisasyon ng mga estudyante sa labas ng UST na nagkaisa sa panawagang itigil ang CMO 14, tulad ng National Union of Students in the Philippines (NUSP), Kabataan Party List, League of Filipino Students, at iba pang mga organisasyon sa iba’t-ibang kolehiyo at unibersidad sa Bicol, Cavite at Iloilo.

Sa isang panayam ng Independent Media Center, sinabi ni Raymond Palatino, presidente ng Kabataan Party List, na huli na ang paglabas ng imbestigasyon at deklarasyon ng CHTE dahil tapos na ang enrolment sa mga paaralan.

Alternatibong paraan

“Wala sa posisyon ang UST na magkomento kung ilegal nga ang CMO 14,” ani Atty. Leonardo Syjuco, assistant treasurer of the Office of the Vice-Rector for Finance, sa Varsitarian. Hindi pa naman daw lumabas ang isyu sa pagka-ilegal ng CMO 14 noong ipinatupad ito at sinunod lang ng Unibersidad ang mga nakasaad dito. “Ngunit kung may ilalabas na anumang desisyon ang Korte Suprema ukol sa CMO 14, nararapat namang sundin ito ng UST,” ani Syjuco.

Base sa naunang panayam kay Vice-Rector for Finance Fr. Melchor Saria sa ginawang konsultasyon noong Marso, itinaas ng Unibersidad ang matrikula para matugunan ang tumataas na gastos ng Unibersidad. Mula sa anim na porsiyento, ibinaba sa 5.5 porsiyento ang pagtaas ng tuition.

READ
Review center postponed

Sang-ayon naman si Reynald dela Cruz, presidente ng Central Student Council, sa dahilan ng Unibersidad sa likod ng pagtaas ng matrikula.

“Masakit man sa bulsa ng mga estudyante ang pagtaas ng matrikula, dapat maintindihan natin na kailangan ito para maipagpatuloy ang serbisyo ng Unibersidad at mapanatili ang mga pasilidad sa loob nito,” ani Dela Cruz.

Para naman kay Topacio, mas dapat pagtuunang pansin ang kalagayan ng mga estudyante ngayong naipatupad na ang CMO 14.

“Kailangang masagot ng mga nasa puwesto kung kaya pa ba ng estudyante na makabayad ng matrikula. Ang posibleng mangyari, walang magagawa ang estudyante kundi lumipat ng mas murang paaralan na mapapasukan,” ani Topacio. may ulat mula sa www.inq7.net at www.congress.gov.ph

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.