PINSALA ang iniwan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa bansa.

Bagaman mahirap ang kalagayan ng bansa nang panahong iyon, nagbukas ang Unibersidad hindi lang upang magbigay ng edukasyon kundi tulong sa mga nasalanta ng giyera sa pag-usbong ng UST Hospital.

Nang matapos ang digmaan noong 1945, malaking bahagi ng Unibersidad, lalung-lalo na ang mga gusali nito sa Intramuros, ang nasira. Ginamit din ang campus nito sa Sampaloc bilang internment camp ng mga sugatang sundalong Amerikano at internees. Ganito man ang kalagayan ng Unibersidad matapos ang giyera, pinilit pa ring maibalik agad ang pagtuturo sa paaralan. Kaalinsabay ng pagbalik ng Faculty of Medicine and Surgery, nagbukas ng isang ospital ang Unibersidad upang magsilbing internship para sa mga mag-aaral nito at makapagbigay din ng serbisyo sa pamayanan.

Sa pamumuno ni Dr. Ernesto Medina-Cue, ang naging unang administrador ng ospital, kasama ang grupong inatasan ni Rektor P. Eugenio Jordan, O.P., inimbentaryo ang lahat ng kagamitan at pag-aari ng ospital at laboratoryo ng sandatahang lakas ng Estados Unidos sa Unibersidad.

Mula sa P350,000 halaga ng kagamitan nanggaling sa 120th General Hospital ng US Army na nasa gusali ng College of Education, unti-unting sumibol ang UST Hospital.

Sa konting pag-aayos ng ilang bahagi ng lumang gusali ng High School, binuksan noong Pebrero 1946 ang Charity Hospital na may 140 kama at nagbibigay ng charity at pay services sa mga naging biktima ng digmaan. Ginamit din ito ng mga mag-aaral sa medisina upang maging clinical training ground nila.

Nagtayo ng karagdagang pribadong serbisyo, medical faciliies, at 100 pang mga kama ang Unibersidad sa dating gusali ng College of Education.

READ
Beware the wire

Samantala, noong Marso 17, 1946, inilipat sa bagong ospital ang Charity Hospital. Sa araw ding iyon pinasinayaan ang bagong ospital na may dalawang bahagi: ang Private Service Hospital at Charity Hospital. Mary Elaine V. Gonda

Sanggunian: UST Hospital Beyond Time at UST in the Twentieth Century ni Josefina Lim Pe

Tomasalitaan: kudlis – gurlis o galos na likha ng isang matalim na bagay.

Halimbawa: Saan mo nakuha ang kudlis sa iyong braso?

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.