Bago pa man inilabas ng Ministry ng Edukasyon at Kultura (Kagawaran ng Edukasyon ngayon) ang Kautusan Bilang 22, Serye 1978 na naglalayong ituro ang araling Filipino sa lahat ng kurso sa bansa, itinuturo na ang Filipino sa Unibersidad.
Nauna nang pinag-aaralan ng Faculty of Pharmacy, College of Nursing, at College of Education ang asignaturang Filipino bilang bahagi ng mga yunit sa pag-aaral.
Maraming Tomasino ang sumuporta sa kautusang ito dahil mas maipakikilala at mapayayaman nito ang wikang Filipino. Bukod dito, mahahasa rin ang kasanayan ng mga mag-aaral sa wastong paggamit ng wika, at mas mapagpapatibay ang kanilang pagkilala sa nasyonalismo.
Marami ring tumutol na muling ituro ang wikang Filipino kasabay ng iba pang mga asignaturang itinuturo sa wikang Ingles, dahil Filipino na raw kasi ang sinasalita at pinag-aaralan mula pa noong elementarya. Magiging ugat lang ng “bilingualism” o “paghahalo ng Ingles at Tagalog” ang pagsasabay ng mga Ingles at Filipinong aralin. Kapag naging maluwag ang paggamit sa wikang Filipino, gagamitin ng mga mag-aaral ang wika “ayon sa hinihingi ng madaling pagpapahayag” at mababawasan ang kanilang tiyagang magsalin ng mga salita.
Dagdag pa rito, gagamitin lang daw ng mga estudyante sa pakikipag-sosyalan at magpapasikat ang pinaghalong Tagalog at Ingles o “Taglish” at “Enggalog.” Dito nagsimulang tumibay ang colonial mentality o “kolonyal na kaisipan” sa mga estudyante.
Alinsunod sa bagong batas, sinabi ng Surian ng Wikang Pambansa noong 1978 na hindi dapat mabahala ang mga mag-aaral sa pagsasa-Filipino ng pagtuturo sapagkat kolokyal ang Filipinong gagamitin. Dapat maisalin sa pambansang wika ang lahat ng mga asignatura upang mas madaling pagkaisahin ang mga Filipinong mag-aaral.
Nagbukas ng pagkakataon na gawing Filipino ang medium of instruction ang pagpapalabas ng kautusan, ngunit hindi rin tuluyang napalitan ng Filipino ang lahat ng mga asignaturang itinuturo sa Ingles dahil na rin sa mabilis na pagbabago sa siyensya at teknolohiya, mga asignaturang hindi maisasalin sa Filipino ang karamihan ng mga salita.
Sa ngayon, patuloy na itinuturo ang asignatura bilang bahagi ng pagsuporta ng UST sa wikang Filipino at pagpapatuloy sa hangarin nitong pagpapaunlad sa wika noon pa man.
Tomasalitaan: Gamalaw – (pandiwa) ilagay o ihalo sa iba.
Halimbawa: Hindi kaya ng sarili kong gamalaw sa mga makapangyarihang tao.
Mga Sanggunian:
Ang Varsitarian (Taon 50 Blg. 15, Agosto, 1978)
UP Diksyunaryong Filipino