TAUN-TAON, higit na dumarami ang mga Tomasinong nagsisipagtapos sa kolehiyo; ngunit kasabay din nito ang pangambang hindi sila makakahanap ng trabaho. Kung makakuha man sila agad ng trabaho, hindi naman ito akma sa kursong kanilang natapos at sa kanilang kakayahan.

Ayon sa Bureau of Labor and Employment Statistics, umakyat sa 20 porsiyento ang underemployment rate ng bansa noong nakaraang taon mula sa 16.9 porsiyento noong 2004, sa kabila ng pagbaba ng bilang ng mga Pilipinong walang trabaho mula sa 10.9 porsiyento noong 2004 sa 7.3 porsiyento noong 2005. Ipinahihiwatig lamang nito na bagaman dumami ang nagkatrabahong mga Pilipino sa nakalipas na taon, hindi naman nakatuntong ang lahat sa propesyong tugma sa kursong kanilang natapos.

Tumaas ang bilang ng mga nagtatrabaho sa service sector na sumasaklaw sa halos kalahati (48.6 porsiyento) ng kabuuang bilang ng mga Pilipinong may trabaho dahil sa pag-usbong ng Business Process Outsourcing (BPO) sa bansa nang alisin ng gobyerno ang kontrol nito sa industriyang telekomunikasyon.

Sa pagkontrata ng mga dayuhang kumpanya sa mga ahensya ng BPO tulad ng call centers, nakatitipid ang mga ito sa pagbenta ng kanilang mga produkto o serbisyo. Dahil dito, nadaragdagan naman ang job opportunities sa mga bansang tumatangkilik dito. Kaya nga’t nagsilbing daungan ng mga nakatapos ng kolehiyo ngunit walang trabaho ang mga call center sa mga lugar tulad ng Makati at Ortigas dahil mataas ang sweldo rito at madali ka pang matatanggap. Sa katunayan, pangalawa ang Pilipinas sa India sa may pinakamalakas na sektor ng BPO sa buong mundo. Sa kabila ng mga positibong bunga ng BPO sa ating ekonomiya, nananatiling panandaliang solusyon lamang ito upang mabawasan ang mga walang trabaho na Pilipino.

READ
Mapping poetic travels

Ayon sa mga economic analysts ng bansa, darating din ang panahon na hindi na makakayanan ng industriya ng BPO ang pagdagsa ng mga Pilipinong gustong magtrabaho dito, dahil sa sobrang pagtutok ng gobyerno sa edukasyong pang-call center, na magreresulta ng pagbagsak nito. Maliban pa rito, sabi ni Rebecca Stoll, isang analyst ng US research group Gartner, bukod sa higit na pagtaas ng underemployment rate sa bansa, nalalagay rin sa alanganin ang kalusugan ng call center agents sa trabahong iyon dahil sa puyat dulot ng pagtatrabaho sa graveyard shift mula gabi hanggang madaling-araw.

Ngunit ano nga ba ang higit na matimbang? Ang trabahong kung saan may maliit na sahod ngunit nagagamit ang kanilang napag-aralan, o ang kabaligtaran? Sa hirap ng panahon ngayon, hindi rin lahat masisi sa mga gustong makatulong agad sa pamilya. Ngunit ika nga ng dekano ng Faculty of Arts and Letters na si Dr. Armando de Jesus sa nakaraang Career Orientation Seminar noong Enero, “Don’t just look for a job, look for a career.” Marie Jeanette P. Cordero

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.