SOLUSYON gamit ang teknolohiya.

Itinampok ng Department of Science and Technology (DOST) ang iba’t ibang proyekto at makabagong kaalaman sa agham at teknolohiya sa ginanap na National Science and Technology Week noong Hulyo 23-27 sa SMX Convention Center sa Lungsod ng Pasay.

Sa temang “Science, Technology and Innovation: The Road to a SmarTer Philippines,” ipinakita ng DOST ang aplikasyon ng makabagong teknolohiya sa paglutas ng mga suliraning maaaring humadlang sa patuloy na pagsulong ng bansa.

Isa sa mga suliraning binigyang-solusyon ay ang pagpapaunlad sa disaster risk reduction and management ng bansa kung saan tinalakay ang mga paraan na maaaring gamitin upang makaiwas sa banta ng mga delubyo.

Sa pamamagitan ng disaster management program na Nationwide Operational Assessment of Hazards (Noah) na nagbibigay ng samu’t saring impormasyon ukol sa lagay ng panahon, mapapadali na para sa mga mamamayan ang paghahanda sa mga nagbabadyang sakuna sa Pilipinas, na karaniwang dinadaanan ng 19 hanggang 20 na bagyo kada taon.

“We have to try new approaches, methods and technologies. Otherwise, uulit lang nang uulit ang mga sakuna sa iba’t ibang lugar ng Pilipinas,” ani Alfredo Mahar Lagmay, program leader ng Project Noah, na binuo noong 2011. “Ito po ay makapagbibigay-kaalaman sa atin at ang kaalaman na ito ay kahandaan na magagamit upang isalba ang ating mga sarili.”

Gamit ang impormasyon mula sa rain at stream gauges, weather stations at Doppler radars, agad matutukoy gamit ang Noah ang mga flood-prone area, percent chance of rain at iba pang impormasyon tungkol sa lalim ng baha, temperatura, air pressure at humidity.

READ
Tawiran

“Nag-deploy na po ang DOST ng almost 609 sensors at mabubuo po iyon [sa Disyembre],” ani Lagmay. “Ito po ang unang beses namagkakaroon ng ganito karaming automated sensors sa bawat panig ng Pilipinas.”

Panibagong pamamaraan

Kaakibat ng Noah ang Disaster Risks and Exposure Assessment for Mitigation (Dream), na siya namang nagbibigay ng mga 3D na imahe ng kabuuang istruktura ng kalupaan.

“Ang gustong gawin ng Dream ay gumawa ng isang mapa na magpapakita kung saan pwedeng dumaloy ang tubig,” ani Eric P aringit, research head ng proyekto.

Gamit ang Light Detection and Ranging (Lidar), isang teknolohiyang gumagamit ng laser at remote sensors na nagmumula sa eroplano, makagagawa ng digital na representasyon para sa isang lugar na magiging batayan sa paggawa ng mga flood maps.

Ayon kay Lagmay, mahalagang magkaroon ng mga detalyadong mapa upang epektibong magamit ng publiko ang mga impormasyong inihahatid ng Noah.

Galing Tomasino

Samantala, nakilahok din sa limang araw na eksibisyon ang mga pangunahing siyentipiko at mananaliksik ng Unibersidad.

Sa pangunguna ng bagong direktor ng Research Center for the Natural and Applied Sciences na si Mafel Ysrael, itinampok ang mga proyektong saliksik sa larangan ng food safety, cosmetics, allergy diagnosis at wall-coating materials.

Sa diskurso ni Mary Beth Maningas, propesor ng biology sa College of Science, tinalakay ang proyektong Loop-mediated isothermal amplification for shrimp diseases (Lamp), isang instrumentong may kakayahang matukoy ang populasyon ng hipon na may White Spot Syndrome Virus (WSSV).

Ang WSSV ay isang impeksyong dulot ng isang mikrobyo na lumalaganap sa populasyon ng hipon na kabilang sa pamilyang Penaeidae tulad ng mga sugpo, dahilan para manganib ang merkado ng bansa pagdating sa hipon kung hindi maagapan.

READ
Civil Law freshmen, Psych senior lead V's 85th

Maaring mapuksa ng virus ang isang buong populasyon sa loob lamang ng limang araw matapos lumitaw ang mga sintomas tulad ng pamumula at pagkakaroon ng puting batik sa balat ng hipon.

Ayon kay Maningas, mas tiyak ang Lamp laban sa polymerase chain reaction na gamit ng komersyal na diagnostic kit dahil may kakayahan itong malaman kung ang nagdudulot ng impeksyon ay isang uri ng virus na nagtataglay ng deoxyribonucleic acid (DNA) o ribonucleic acid (RNA) sa genetic material nito. Mas madali kasing sumailalim ang RNA virus sa mutation kaysa sa DNA virus, na mas makapagpapalala sa virus.

Sa tulong ng Faculty of Engineering, nakagawa ang grupo ni Maningas ng diagnostic kit sa halagang 10,000 piso, higit na mababa sa 200,000 piso na komersyal na bersyon.

“Ang layunin namin ay makagawa ng praktikal na diagnostic tool na maaaring ibenta sa shrimp farmers sa mas murang halaga,” aniya. John Zerbon P. Ong

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.