Itim daw ang kulay ng Pasko

0
3635
(Dibuho ni Alisa Joy T. del Mundo/The Varsitarian)

Kumukutikutitap,
bumubusibusilak,
ganiyan ang indak ng mga bumbilya.

Ganoon na lamang ang pananabik ko nang marinig ito sa aming radyo. Iba talaga kapag panahon ng kapaskuhan, palaging nasa isip ko ang dating mga matatamis na tsokolate, malalambot na unan, pabango at ‘di umano’y bagong labas na modelo ng headset na iniregalo sa akin nina inay at itay noong nakaraang taon. Hindi na rin ako makapaghintay sa mga kuwento ng aking mga pinsan sa kung gaano kahigante at kaganda ang mga parol na pinalilibutan ng mga Christmas lights sa kanilang probinsiya.

“Nay! Ano ba ang kulay ng mga parol sa kanila? Katulad din ba ito ng sa atin,” tanong ko kay inay na nasa kusina. Dinig na dinig ang pagsisiritsit at amoy na amoy ang nakatatakam na ginisang kaniyang niluluto.

“Oo. Itim din daw ang Christmas lights sa kanila katulad sa atin,” sagot niya sabay tanong ko ulit kung anong pagkakaiba nito. Ipinaliwanag naman niya sa akin na walang espesyal sa mga pailaw nila. Ang itim daw kasi ay kumbinasyon lang ng napakaraming kulay tulad ng natutuhan ko sa asignaturang Arts.

Ngumisi na lang ako. Nakapagtataka lang talaga kung bakit kailangang taon-taon pang ipinagyayabang ng mga pinsan ko ang mga parol nila kung singkulay at singganda rin lang naman ‘yon ng sa amin?

Kinabukasan, sobrang natutuwa akong pumasok at ibalita sa mga kaklase ko na kaparehas lang ng aming Christmas lights ang mga nasa probinsiya. Ikinuwento ko ito kagaya ng paglalarawan sa akin ng mga pinsan ko. Malaki at madalas kinukuhaan ng litrato ng mga tao rito. Manghang-mangha ang mga kaibigan ko, gusto rin nilang makita ang mga ito tulad ko.

Ngunit, sumingit ang isa kong kaklase: “Hindi naman ‘yan totoo eh! Narinig ko ang tatay ko na ipinapasama ang itim niyang polo shirt sa kaniyang bagahe upang gamitin sa pagburol ng kaniyang namatay na kaibigan, pangmalungkot naman na kulay ‘yan!”

“Oo, nasabi nga rin sa akin ng lola ko na ‘yan daw ang pinakanakakatakot na kulay. Madalas daw kasing iugnay ito sa mga masasamang elemento,” sabi pa ng isa na ikinatakot naming lahat.

“Hindi, mali kayo. Itim ang pinakamagandang kulay. Kumbinasyon daw ito ng lahat ng kulay sabi ng inay ko,” sagot ko naman.

Ibinahagi naman ng pinakamatalino naming kaklase, “Kuwento ng nanay ko, kawalan daw ang ibig sabihin ng itim. Blangko, parang mundo noong unang-una.”

Natigil lamang ang diskusyon nang dumating na ang aming guro. Tumatak sa isipan ko ang mga pinagsasabi ng aking mga kaklase. Paano kung totoo ‘yon? Wala akong ibang inintindi hanggang pag-uwi kundi ang mga iyon lamang. Hanggang sa nakarating ako ng bahay at kating-kating tanungin sa aking inay ang totoo.

“Alam mo anak, tama naman lahat ng mga kaklase mo. Ang iba sa sinabi nila ay mga pamahiin na nakaugalian na nating sundin. Ang iba naman ay representasyon lamang ng mga kathang-isip na bagay-bagay,” sagot ng aking inay.

Totoo rin daw na kawalan ang ibig sabihin ng itim. Nariyan ang kawalan upang tayo ay makalikha. Tinutulungan tayo mismo ng kawalan na umisip ng paraan, paganahin ang ating imahinasyon, at patingkarin ang ating mga ninanais sa buhay upang ito ay magkalaman.

“Kagaya rin ng sinabi ko sa’yo noon, ang itim ay kumbinasyon ng napakaraming kulay. Hindi mo lang ito nakikita,” dagdag ng aking inay.

Natigil lamang ang kaniyang pagpapaliwanag nang tumunog ang telepono. Halos mangiyak-iyak ang tono ng boses ni inay sabay yakap sa akin.

“Sa wakas, hindi mo na ngayon kailangang mangarap upang mamangha. Makakakita ka na anak,” ang sabi niya.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.