“KUMBAGA sa bangka, hindi na kami hiwa-hiwalay na sumasagwan sa iba’t ibang direksiyon, kundi isa na lamang ang tinatahak naming daan.”
Ganito inilarawan ni Aissa Jimenez, propesor sa Filipino sa Faculty of Arts and Letters ang muling pagkakaroon ng sariling tahanan ng wikang Filipino sa Unibersidad—ang Departamento ng Filipino na muling nabuhay matapos manatili sa Departamento ng Wika kasama ang Ingles at Espanyol sa loob ng 31 na taon.
Sa bisa ng proyektong vertical articulation na nagbibigay pansin sa isang departamento upang magkaroon ito ng sariling opisina, pondo, at tagapangulo, ang Departamento ng Filipino ay muling ibinalik upang higit na mabigyan ng atensiyon ang wikang Filipino sa Unibersidad.
Itinatag noong 1938 ni Jose Villa Panganiban, manunulat ng pinakatiyak na diksyunaryong Ingles-Tagalog at tagapagtatag ng Varsitarian, ang dating Kagawaran ng Tagalog na ginawang Kagawaran ng Pilipino noong 1967. Naging matagumpay ito mula 1971 hanggang 1978 dahil na rin sa suporta ng kauna-unahang Filipinong rektor na si P. Leonardo Legazpi, O.P. Sa panahon ding ito nakilala ang UST dahil sa mga respetadong Tomasinong manunulat sa Filipino kagaya nina Genoveva Edroza-Matute, Rolando Tinio, at Rogelio Sicat. Ngunit nang bawasan ng dating Department of Education, Culture and Sports ang mga yunit sa wikang Espanyol noong 1979, napagpasyahan na ipagsanib na lamang ang lahat ng wikang pinag-aaralan sa Unibersidad sa ilalim ng isang departamento na tinawag na Departamento ng Wika.
‘Tamang panahon’
“Hindi naman nahuli [ang pagkatatag ng kagawaran], bagkus ay nasa tamang panahon lamang ito,” ani Imelda De Castro, tagapangulo ng Departamento ng Filipino.
Dagdag pa niya, hindi naman nawala ang tahanan ng wikang Filipino sa Unibersidad, kundi napasailalim lang ito sa iisang tanggapan kung saan nabigyan naman ito ng sapat na atensiyon.
“May sapat namang alokasyon ng pondo para sa Filipino noong nasa Departament of Languages pa ito,” ani De Castro.
Ayon naman kay Jimenez, ang lahat ng programa ngayon ay nakatutok na lamang sa kagawaran kung kaya’t mas mapapaunlad ito.
“Kumbaga sa isang bahay, mas makakikilos ka nang maayos at maluwag,” aniya.
Hindi naging madali ang tagumpay ng Departamento ng Filipino. Kinailangan muna nitong makapasa sa mga itinakdang pamantayan ng Unibersidad bago ito maging hiwalay na departamento. Kabilang sa mga pamantayan ay ang pagkakaroon ng tagapangulo at propesor na may doctorate, espesyalisasyon, at pananaliksik sa Filipino.
“Talagang kinakailangan ng Unibersidad na magkaroon ng isang Departamento ng Filipino sapagkat may mga institutional membership gaya ng Sanggunian sa Filipino sa Unibersidad ng Pilipinas na hindi ka magiging miyembro kung wala kang sariling departamento,” ani De Castro.
Ngunit dahil na rin sa pagsisikap at paggabay ng tagapangulo ng Departamento ng Wika na si Prop. Marilu Madrunio, Bise-Rektor ng Akademikong Gawain at Pananaliksik na si Prop. Clarita Carillo, at ni Rektor P. Rolando dela Rosa, O.P., naisakatuparan ang minimithing departamento.
Bisyon at misyon
Upang magkaroon ng patutunguhan ang departamento, iminungkahi ni De Castro ang pagkakaroon nito ng sariling misyon at bisyon alinsunod sa pangkalahatang misyon at bisyon ng Unibersidad. Saklaw ng mga ito ang pagpapalawig ng wikang Filipino sa Unibersidad at ang pagsuporta sa mga guro nito.
Palalakasin ang kultura ng pananaliksik ng mga guro sa Filipino upang mapainam ang kanilang kakayahan hindi lamang sa pagtuturo. Layunin nitong itaas ang kalidad at kritikal na pag-iisip ng mga guro nang sa ganoon ay higit na mapainam ang antas ng kanilang pagtuturo sa mga mag-aaral. Kasabay nito ay hihikayatin din ang ilan pang mga guro sa Filipino na tapusin ang kanilang pag-aaral hanggang sa doctorate.
“Sa ibang mga unibersidad kagaya ng Ateneo [de Manila] at De La Salle, hindi sila partikular sa mga titulo [ng mga nagtuturo roon] sapagkat lahat ay doktor,” ani De Castro.
Magkakaroon din ng ‘buwanang kumustahan’ ang departamento upang talakayin ang mga suliranin at kalakasan ng mga guro.
Ngayong panuruang taong 2010-2011, ang silabo sa mga asignaturang Filipino ay papalitan pati na rin ang mga aklat na gagamitin dito. Magkakaroon din ng “Pambansang Seminar sa Filipino” sa darating na Oktubre at “Seryeng Panayam Jose Villa Panganiban” na magbibigay ng palihan ukol sa pagpapayabong ng pambansang wika sa mga paaralan.
Pagsapit naman ng Buwan ng Wika ay plano ng departamento na magkaroon ng “Kolokyum sa Pananaliksik” kung saan ilalahad ng mga guro ang kanilang mga nakalap na saliksik ukol sa wikang Filipino.
“Ang magbabahagi rito ay iyong mga guro rin ng departamento. Halimbawa, kung mayroon silang pananaliksik, ‘yong masteral thesis nila o dissertation nila, [iyon ang ibabahagi nila sa kolokyum],” ani De Castro.
Isa pa sa mga panukalang proyekto ng departamento ay ang pagkakaroon ng academic linkages sa pandaigdigang komunidad sa pamamagitan ng Advanced Filipino Abroad Program ng Fulbright Hays. Ito ay isang programa ng Departamento ng Edukasyon sa Amerika kung saan ang mga guro at mga mag-aaral na Amerikano ay nabibigyan ng oportunidad na mapag-aralan ang wikang Filipino sa bansa tuwing bakasyon.
Wikang Filipino sa pagtuturo
Naniniwala rin si De Castro na maaaring ituro ang mga asignaturang gaya ng matematika at agham sa wikang Filipino upang mas lalo itong maintindihan.
“Bilang guro, kung ituturo mo ang [mga asignaturang nasa Ingles] sa wikang naiintindihan mo, nagtuturo ka na, natututo ka pa. Nakapagtatanong ka pa sa mga estudyante mo nang hindi mo iniisip kung tama ba o mali ‘yong grammar mo. Sa halip na mag-focus ka sa content, mas nagfo-focus ka sa way of delivery mo. Ganoon pa man, may [tamang] istruktura rin ang Filipino,” aniya.
Sa kasalukuyan, tanging ang Unibersidad ng Pilipinas lamang ang nagtuturo ng kursong AB Filipino sa bansa. Dahil dito, plano ng departamento na magkaroon ng AB-Filipino Major in Translation Studies na nakatuon sa print media at documentation. Nilalayon din na mapalawig ang kursong ito hanggang sa graduate school.
Bagaman bata pang maituturing, layunin ng Departamento ng Filipino na masungkit ang Center of Excellence in Filipino mula sa Commission on Higher Education sa lalong madaling panahon. Naniniwala si De Castro na sa tulong ng mga guro sa Filipino ng Unibersidad, hindi imposibleng makamit ng departamento ang mithiing ito.