PINAALALAHAN ng isang Italyanong direktor ang mga mag-aaral sa mass media na gamitin ang kanilang kaalaman sa paggawa ng dokyumentaryo para mapabuti ang buhay ng tao.

Tagapagsalita si Roberto Minervini, punong tagapagturo ng directing at screenwriting sa International Academy of Film and Television sa Cebu, sa isang Journalism Society seminar ukol sa dokyumentaryo noong Hulyo 21 sa Rizal Conference Hall ng San Miguel de Benavides Library.

“Gumagawa tayo ng mga dokyumentaryo hindi para sa ating mga sariling kapakanan. Isipin natin ang magiging epekto ng ating mga proyekto sa paghubog ng kamalayan,” aniya. Nakilala si Minervini sa kaniyang direksyon sa maikling pelikula na pinamagatang Voodoo Doll (2005) kung saan nakatanggap siya ng unang gantimpala sa New York City Downtown Short Film Festival. Pagmamay-ari rin niya ang Pulpa Record Label at Apnea Record Label sa Madrid.

Ani Minervini, mahalagang mapanood ng nakararaming tao ang mga dokyumentaryo dahil nagbibigay ito ng impormasyon sa kalagayan ng bansa at realidad ng buhay.

“Kahit simpleng kuwento ang ipalabas sa isang dokyumentaryo, pinapalawak nito ang pananaw ng manonood,” sabi ni Minervini sa Varsitarian. “Sa huli, makakapagpabago ng ating buhay ang mga programang dulot nila.”

Ayon kay Minervini, malaki ang pagkakaiba ng napapanood sa mga balita at sa mga dokyumentaryo dahil kinakailangang laging patas at walang kinikilingan ang iniuulat na balita, samantalang laging may pinapanigan ang mga dokyumentaryo.

“Palaging may kinikilingan ang mga dokyumentaryo dahil kailangang alamin ng gumagawa nito ang nararapat na posisyon sa isang usapin,” ani Minervini.

Dagdag pa ni Minervini na maaring magdagdag ng drama at tensiyon sa istorya sa isang dokyumentaryo na karaniwang hindi ginagawa sa isang balita.

READ
Traffic's lingering problems

Ipinaliwanag ni Minervini na hindi kasing dali ng iniisip ng iba ang paggawa ng isang dokyumentaryo dahil kailangan nito ang mamahaling mga kagamitan at pondo sa pagbuo ng programa.

“Gaya ng paggawa ng isang pelikula, nangangailangan ang isang dokyumentaryo ng mahabang pananaliksik at mabusising preparasyon,” aniya. “Kailangang may konsepto na ring nakahanda sa mga isyung gustong talakayin o mabatid ng mga manonood bago simulan ang proyekto.”

Pinayuhan ng direktor ang mga mag-aaral na gustong gumawa ng mga dokyumentaryo na maging handa sa pagharap sa mga suliraning kaakibat ng programa, gaya ng sensura at kakulangan sa pondo.

“Kailangang maging handa ang mga bagong direktor at dokyumentarista na magsakripisyo para sa ikauunlad ng paggawa ng dokyumentaryo sa bansa.”

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.