HULING pagkakataon ko itong makakapagsulat sa opisyal na pahayagan ng aming Unibersidad. Habang iniisip ko ito, naglambitin sa aking gunita ang tatlong taon kong paninilbihan bilang potograpo, news writer at editor sa diyaryong ito.
Napakasuwerte ko. Paglabas ko sa UST, tiyak na magiging katulad ko ang mga ka-batchmate ko sa Journalism na magsisimula sa ibaba bilang police reporter, magpapakitang-gilas, at maghihintay ng ilang taon hanggang magka-uban at mag-retiro ang kanilang mga editors upang ma-promote. Hindi naman lahat siguro magtitiyagang maghintay ng ganoon katagal para maramdaman na umaangat sila at may saysay ang mga pagsasakripisyo nila bilang reporter, lalo na sa hirap ng buhay ngayon na kahit isandaang piso mo ay makakabili lamang ng tatlong baso ng Zagu.
Napakabilis kung tutuusin ang pag-angat ng posisyon ng mga nagtatarabaho sa Varsitarian. Sa tatlong taon, tatlong papel ang ginampanan ko. Alam kong magkaibang liga ang national daily sa isang student publication kung pagkukumparahin, subalit masaya na rin na napagdaanan ko ang tatlong posisyon—iba’t-ibang uri ng trabaho ngunit isa lamang ang layon: ang makapaglabas ng diyaryong maipagmamalaki.
Hindi naman sa ibinibigay lamang ang mga editorial position base sa seniority. Dumadaan pa rin sa butas ng karayom ang mga nagtatangka rito. May written exam pa rin at interview kasama ang mga kritikal na selection committee. Pinag-aaralan din ang naging performance ng staff sa nakaraang taon.
Mapagtatanto na hindi lamang basta-bastang laboratoryo ang Varsi para sa mga naghahangad magsulat. Hindi biro ang pinagdadaanan ng staff, mula sa pinakamataas hanggang sa pinakamababang posisyon, dahil maliban sa paggawa ng 12 isyu at tatlong magazine (Montage literary magazine, Breaktime at Sports Mag) sa isang school year, sila rin ang mga hands-on na naghahanda para sa mga university-wide events na naging institusyon na sa taunang pagdaraos nito tulad ng Inkblots, Ustetika, Pautakan, at Jose Villa Panganiban Professorial Chair for Journalism Lecture. Dinagdagan pa ngayong taon ng CineVita, isang film festival, at Varsitarian exhibit na pinilit itala ang halos 80 taon na kasaysayan ng pahayagan sa loob lamang ng dalawang buwan. May mga natuwa at nadismaya sa exhibit. Ngunit kung matamang susuriin, dapat bigyan ng nauukol na pagkilala sa mga nag-organisa nito dahil pawang mga estudyante lamang sila na walang kasanayan sa ganitong proyekto.
Sa ganitong sistema tumatakbo ang Varsi sa mga nakalipas na taon. Umaasa sa mga kakayahan ng mga estudyante. Isang malaking pakikipagsapalaran ang mamuhunan sa kakayahan ng estudyante ngunit sa bigat ng responsibilidad na hinihingi ng pagiging isang Varsi staff, tiyak na mapipiga ang lahat ng maaring makuha sa kakayahan namin. Kung tutuusin, ang aming publications adviser at ilan pang tagapayo ng Varsitarian na nagtatrabaho sa mga pangunahing arawan sa bansa ay mga dating Varsi staff din. Sa kanila masasalamin na nagbunga ang pakikipagsapalaran ng organisasyon. “Once a ‘V’ staffer, always a ‘V’ staffer,” ika nga. Ilan lamang sila sa mga dahilan upang masabi na tunay na maipagmamalaki ng Tomasino ang Varsitarian kumpara sa ibang mga student publications. Silang patuloy na nangungusisa upang maipagpatuloy ang tradisyon ng pahayagan sa responsableng pamamahayag. Kay Sir Lito, maraming salamat sa mahigit isang dekada ng pagtitiyaga at walang sawa ninyong paulit-ulit na pagpapaalala sa aming mga tungkulin.
At dahil nga umaasa ang Varsi sa estudyante, wala ring mga permanentang staff. Kailangang manatili ang organisasyon ngunit kaming mga nagsipagtapos na ay aalis. Habang sariwa pang nagsasayaw sa aking alaala ang mga tatlong taon ko sa Varsi, masasabi ko na madaling magpaalam pero mahirap makalimot.
Maraming salamat sa Varsitarian, ang institusyon na nagturo sa akin ng mga bagay na maaring hindi ko matututunan kailanman sa apat na taon ng Journalism. Higit sa lahat, si Kathleen Valle, ang aking kaulayaw sa mahaba-haba pang paglalakbay.