LIKAS na sa ating mga Pilipino ang pagkahilig sa musika.

Mula sa isang simpleng tugtugan ng magbabarkada hanggang sa himig ng mga sintonadong lasing sa kanto, at maging sa banyo, kumakanta ang mga Pilipino.

Nasa kultura na natin ang pagiging musikero o manganganta. Kahit nga hindi alam ang kanta na narinig sa isang himpilan ng radyo, pilit pa ring ihinuhuni ang tono nito. Madalas, ang simpleng kantahang ito ang naghahatid ng magandang samahan ng magkakaibigan o ng isang pamilya. Kaya naman karamihan sa mga Pilipino kakikitaan mo ng gitara sa kani-kanilang mga tahanan.

Dahilan na rin sa hilig sa musika, hindi maaalis sa mga Pilipino ang pagtugtog ng mga instrumento, gaya na lamang ng gitara. Isa man itong simpleng uri ng libangan, nakapaghahatid naman ng kaligayahan at pagkakabuklod maging ng isang pamilya.

Tulad na lamang nang minsang magsasalu-salo ang aming pamilya para sa kaarawan ng aking lolo. Madalas man kaming magkantahan tuwing may okasyon, naiiba pa rin ang pagdiriwang na ito. Sa himig na dala ng awit, nawala maging ang dating alitan ng aking mga kamag-anak. Iba talaga ang dala ng himig Pilipino.

Ang aking pamilya ang nagsisilbing inspirasyon upang maipagpatuloy ko ang aking mga ambisyon sa buhay. Sa kanila ko kinukuha ang lakas upang mapagbuti ko ang aking pag-aaral. Sila ang dahilan kung bakit ako nagsisikap ngayon. May mga pangarap ako para sa aking pamilya. Pangarap na maiangat sila sa hirap dahil hindi naging madali para sa aming pamilya ang pamumuhay. Kaya naman tuwing may bumabagabag sa akin, musika na lamang ang nagiging takbuhan ko upang mapawi ang kalungkutang ito. Ayoko na kasing madagdagan pa ang pasanin ng aking pamilya.

READ
Edsa sa mga musmos na mata

Isang paraan na rin siguro ang simpleng kantahan namin sa bahay upang kahit sandali, makalimutan namin ang problema. Nagiging mas matatag pa ang aming samahan.

Napagbubuklod din ng musika ang generation gap sa pagitan ng magulang at anak. Napatunayan ko ito nang minsang kantahin ng aking ama ang “Harana” ng Parokya ni Edgar. Nagulat at natuwa ako. Parang nangusap sa akin ang aking ama dahil sa simpleng pagkanta niyang iyon.

Kagulat-gulat man, may alam rin ako sa mga kanta ng kanyang henerasyon. Para ngang nagsasagutan kami sa mga himig na ito. Pinipilit kong intindihin ang kanyang musika at gayon din naman siya sa akin.

Tulad ng maraming Pilipino, musika ang nagsisilbing boses ng aking saloobin. Sa tulong ng musika, nagawa kong ipadama sa mga taong malapit sa akin ang aking pagmamahal at pasasalamat. Ito rin ang nagbukas ng mas magandang samahan naming pamilya.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.