NAGMISTULANG susi ang napabalitang pandaraya sa nursing licensure exams noong Hunyo para lumitaw ang mukha ng nakapanlulumong kalidad ng nursing education sa bansa. Sa kagustuhan ng ilang estudyante na walang kumpiyansa sa edukasyong nakuha nila sa apat na taong pag-aaral, nandaya sila. Hindi makapasa kaya hinustong “doktorin” ang sagot.

Gaya nga ng inaasahan, lumabas sa masusing pag-iimbestiga ng PRC na nagmula ang mga leak sa dalawang matataas na opisyal ng Board of Nursing. Ibang klaseng nursing aide ang ipinalaganap—aide sa nursing exam.

Ngunit, kapuna-puna na marami pa rin ang bumagsak kahit maraming estudyante ang nakakuha ng mga dokumentong naglalaman ng mga tanong at sagot sa eksamen. Sa 42,006 na kumuha ng eksamen, 17,821 o 42 porsyento lamang ang nakapasa.

Ipinapakita lamang nito na walang nagbago sa mukha ng ating nursing education sa nakalipas na 12 taon. Sa katunayan, nakababahalang isipin na bumagsak ang national passing rate mula 86 posyento noong 1994 sa 52.9 porsyento noong 2004, ayon sa datos na tinipon ng Varsitarian.

Ito ang naging bunga ng mga nursing schools na nag-aalok ng substandard education.

Tinatayang may 170 nursing schools mula noong 1990s, na naging 251 sa 2003, at patuloy na umangat sa 370 noong 2004. Ngayon, mayroong 470 nursing schools sa bansa, ayon sa datos ng Association of Deans of Philippine Colleges of Nursing. Ngunit iilan lamang dito ang nakakapagbigay sa mga estudyante ng matino at kalidad na edukasyon.

Karamihan sa mga eskwelahan sa narsing hindi pumapasa sa pamantayan na inilatag mismo ng Commission on Higher Education (Ched) katulad ng sapat na kagamitan at pasilidad, affiliated na hospital, at bilang ng mga estudyanteng ipinapasa nito sa nursing licensure examination. Sadyang walang kagalingan ang mga eskwelahang ito sa panggagaling.

READ
Law student, nasaktan

Bagaman may mga iba nang sumubok na maipasara at maipasailalim sa regulasyon ang mga kaduda-dudang nursing schools gaya ni dating Commission on Higher Education chair at rektor ng UST Fr. Rolando De la Rosa, O.P., nagtagumpay pa rin ang mga may-ari nito dahil sa malakas na koneksyon nila sa ilang mga mambabatas. Sa katunayan, ilan din sa mga eskwelahang ito ay pag-aari ng mga pulitiko o ng kamag-anak nila. Minsan pang kinasuhan si De la Rosa ng libel ng maglabas siya ng listahan ng mga poor-performing nursing schools na hinihingi ng Kongreso.

‘Di nalalayo ang giit ng dekano ng UST College of Nursing Glenda Vargas at iba pang kasapi ng Ched Technical Committee on Nursing Education na nagbitiw sa kanilang mga tungkulin kamakailan. Sa kanilang resignation letter, sinisisi nila ang pagsuko ng Ched sa tawag ng komersiyo at politikal na interes sa hindi pagpapatupad ng kanilang mga panukala, katulad ng gawing limang taon ang narsing at maghigpit sa mga nursing schools. Kailangan din namang ibalik ng mga Tomasino ang pagkakakilanlan nito bilang top nursing school.

Nararapat lamang na tuluran ng mga opisyal ng Ched at gobyerno ang pagtitiyaga ng mga mapagmalasakit na nars, guro at examinees na hinimok ang Professional Regulatory Commission (PRC) na simulan ang imbestigasyon sa nasabing pandaraya.

Apat at kalahating buwan na lang at darating na naman ang buwan ng Disyembre kung saan kukuha na naman ang ilang nursing graduates ng board exam. Habang hindi pa naayos ang gulong ito, patuloy na uulanin ang bansa ng mga pag-aalinlangan sa karangalan ng isang “serbisyong” maari nating maipagmalaki sa international community. Kailangan nating gamutin ang kurapsyon sa narsing bago pa man tuluyang maghingalo ang kalidad ng propesyong ito.

READ
Manindigan para sa kapaligiran

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.