INUDYOK ng Tomasino at Pambansang Alagad ng Sining sa Literatura na si Bienvenido Lumbera ang mga estudyanteng manunulat na isalin at ihubog ang kahalagahan ng kasaysayan sa kanilang mga akda sa kanyang pananalita sa ika-39 St. Thomas More lecture na ginanap noong Pebrero 9 sa Thomas Aquinas Research Center.
“Ang paglikha ng akdang pampanitikan ay proseso ng pagsanib ng manlilikha sa daloy ng mga pangyayaring nagsasangkot sa kanya sa pagsulong ng panahon tungo sa tinuturing na kasaysayan,” ani Lumbera.
Bingyang-diin ni Lumbera ang mga akda ng dalawang Pambansang Alagad ng Sining na sina Virgilio Almario at dating punong patnugot ng Varsitarian na si Francisco Sionil Jose, bilang halimbawa ng mga akdang kumakatawan sa kasaysayan. Kasama dito ang mga tula ni Almario na “Makinasyon” (1968), “Peregrinasyon” (1970), “Doktrinang Anakpawis” (1979), “Mga Retrato at Rekwerdo” (1984), at “Palipad-Hangin” (1985), at ang nobela ni Sionil Jose na Ermita (1988) na hango sa kasaysayan ng bansa sa kamay ng mga banyaga.
“Pinapahiwatig ng akda ang pagtingin ng manunulat sa karanasang hinuli ng kanyang imahinasyon at inihango sa ating mambabasa,” ani Lumbera. “Tayong mga mambabasa ang dumaranas ng mga emosyon, kaisipan, at iba pang suliranin hatid ng akdang hinango ng manunulat na napapaloob sa kasaysayan.”
Pinayuhan din ni Lumbera ang mga manunulat ng literatura na huwag magpapigil sa mga “ideyolohiya ng pagsulat.”
“Napaka-importante sa manunulat na bukas ang kaniyang isipan sa pagpapayaman sa karanasang nasa kanya na,” ani Lumbera sa Varsitarian. “Hindi dapat simulan ng manunulat sa kanyang kaisipan ang pagkakakulong sa iisang ideya dahil magsisilbi itong hadlang sa tuluyang pagsulong ng kanyang paksain.”
Liban sa parangal ng Pambanasang Alagad ng Sining, nagawaran din si Lumbrera ng Ramon Magsaysay Award for Journalism, Literature, and Creative Communication noong 1993. Nagtapos siya ng kursong Journalism sa Unibersidad noong 1954 at siya rin ang kauna-unahang tagapanayam ng St. Thomas More Lecture noong 1968.
“Naisip namin na kung ihaharap ang mga estudyante sa isang imahen ng Literaturang Pilipino tulad ni Bienvenido Lumbera, maaaring magbigay ito ng positibong epekto sa mga estudyante sa kagandahan ng literatura,” ani Arts and Letters Dean Armando de Jesus.
Isang panayam ng Artlets ang St. Thomas More Lecture ukol sa iba-ibang disiplina ng pakultad.