SA PAGLULUNSAD ng programang K to 12 sa mga paaralan noong nakaraang Hunyo, nilalayon din ng bagong kurikulum na turuan ang mga mag-aaral gamit ang kanilang katutubong wika.
Ayon kay Jose Laderas Santos, delegado ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), ang paggamit ng Mother Tongue Based Multi-Lingual Education (MTB-MLE) bilang medium of instruction ay makatutulong sa mga mag-aaral na maintindihan ang mga itinuturo sa kanila gamit ang kanilang kinagisnang wika.
“Malaki ang magiging tulong ng paggamit ng panrehiyong wika sa [pagtuturo sa mga] paaralan dahil mas maiintindihan at maisasapuso ng mga mag-aaral ang kanilang mga natutunan,” ani Santos.
Tampok sa bagong kurikulum ang MTB-MLE, kung saan gagamitin muna sa pagtuturo ang wikang kinagisnan mula Kinder hanggang ikatlong baitang. Sa ikaapat na baitang, inaahasang matibay na ang pundasyon ng mga mag-aaral sa kanilang katutubong wika at maari nang turuan ng iba pang wika.
Kabilang sa mga wikang gagamitin sa pagtuturo ay ang wikang Bikolano, Cebuano, Chavacano, Hiligaynon, Iloko, Kapampangan, Maranao, Maguindanaoan, Pangasinense, Tagalog, Tausug, at Waray.
Sa ika-75 na anibersaryo ng KWF ngayong Agosto, inilunsad ng KWF ang temang “Tatag ng Wikang Filipino: Lakas ng Pagka-Pilipinas” upang himukin ang mga Pilipino na paghusayin ang pag-aaral ng kanilang wikang pambansa.
“Kapag ganap na pinaghusay ng isang Pilipino ang kaniyang wika, ganap ding magiging mahusay siyang mamamayan ng Pilipinas,” aniya.
Pagsusulong sa multilingualism
Ayon naman kay Roberto Ampil, tagapangulo ng Departamento ng Filipino sa Unibersidad, ang paggamit ng regional language bilang medium of instruction ay makatutulong hindi lamang para mabilis na maunawaan ng mga mag-aaral ang mga itinuturo sa klase, kundi para mapanatili rin ang pagkakakilanlan ng mga kabataan sa kanilang kinagisnan.
“Maraming Pilipinong mag-aaral ang nagsisimula ng kanilang pag-aaral sa isang wikang hindi nila sinasalita o nauunawaan. Sa ganitong kalagayan, sinasabing ang mga katutubong wika ng mga mag-aaral ang tanging makapagbibigay ng patuloy na ugnayan sa personal na pagkakakilanlan na nagtataglay ng etniko at isang pambansang dimensiyon,” ani Ampil.
Ayon naman kay Abdon Balde, Jr., tagapangulo ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (Umpil), hindi ganap na naging epektibo ang bilingguwal na edukasyon dahil ang Filipino at Ingles ay itinuturing pang mga banyagang wika sa maraming rehiyon sa Pilipinas.
“Ibig sabihin nito, halimbawa, ang isang batang lumaki sa Bikol ay kailangang mag-aral ng English at Filipino para maintindihan ang sinabi ng guro na nagtuturo gamit ang bilingual medium of instruction,” ani Balde sa Varsitarian.
Ayon naman kay Imelda de Castro, propesor ng Filipino at dating tagapangulo ng Departamento ng Filipino, tuluyang napawalang-bisa ang pagsunod sa bilingguwal na programa dahil maliban sa hindi ito seryosong naipatupad ng pamahalaan, hindi nagamit nang wasto ang wikang Filipino.
“Kapag naubusan ng Ingles, magshi-shift sa Filipino o kaya’y kapag naubusan ng Filipino ay lilipat sa Ingles,” ani De Castro. “Hindi dapat ito mangyari. Dapat ay tapusin muna bago lumipat sa panibagong konsepto (paggamit ng isang wika) upang mabalanse ang paggamit sa lengguwahe.”
Aniya, hindi dapat isawalang bahala ng mga paaralan ang paggamit ng MTB-MLE hanggang sa makita ang kalalabasan nito.
Ayon naman kay Romulo Baquiran, Jr., tagapangulo ng Filipinas Institute of Translation, ang multilingualism bilang medium of instruction ay matagal nang ginagamit sa pagtuturo.
“Ito ang kondisyon, opisyal man o ‘di opisyal na ipahayag,” sabi ni Baquiran. “Maaaring sabihing Ingles puro tayo, ngunit maririnig sa kampus ang [wikang] Filipino. O kaya’y isulong ang Filipino pero marami ang gagamit ng Ingles.”
Dahil karamihan ng mga administrador ay may kaalaman naman sa kolonyal na sistema ng edukasyon, paliwanang ni Baquiran, hindi maitatangging Ingles ang kanilang maging prioridad sa pang-akademiyang situwasyon.
“May mga mahuhusay na intelektuwal na Filipino sa pangunahing wika,” aniya. “Sa mga elitistang unibersidad tulad ng [University of the Philippines] UP, UST, Ateneo [de Manila University], at [De] La Salle [University], mayroong malalakas na programa sa Filipino. Pero hindi nga lamang masyadong excited ang estado na i-promote ang Filipino kahit mahusay dito ang Pangulong [Aquino].”
Ayon kay Santos, hindi na maiiwasan ang paggamit ng mga mag-aaral ng kanilang katutubong wika sa loob ng paaralan.
“Matuto man siya ng wikang banyaga, ang wikang kinagisnan pa rin ang gagamitin niya sa kaniyang pag-iisip at pakikipagsapalaran sa lipunan,” ani Santos.
Wikang Filipino sa UST
Bilang Tagalog ang ginagamit na panrehiyong wika ng Unibersidad, naniniwala si De Castro na nananatiling buhay pa rin ito sa mga mag-aaral na Tomasino.
“Wala namang masyadong problema sa Unibersidad tungkol sa kung ano ang gagamiting medium of instruction. Naiibigay naman ng mga estudyante sa kanilang mga guro kung ano ang kailangang gamitin,” aniya.
Sa muling pagkakatatag ng Departamento ng Filipino taong 2009, naniniwala si Ampil na “papalapit na sa rurok” ang wikang Filipino sa Unibersidad.
“Sa ikatlong taon ng Departamento ng Filipino ay marami nang nangyari. Unti-unti ay lumalawak at patuloy na lumalakas ang kampanya sa pagsasagawa ng mga pananaliksik sa iba’t ibang seminars at kumperensiya,” ani Ampil.
Sinabi naman ni De Castro na kailangang maging language-competent sa wikang Filipino at Ingles ang mga mag-aaral ngunit dapat itong mabalanse.
“Kung saan talaga natututo ang mga mag-aaral ay ibigay natin. Bakit naman ang mga top universities sa Asya ay hindi nagpupumilit mag-Ingles?”
Sinabi ni Santos na ang KWF ay tinatangkilik pa rin ang pagkatuto ng mga banyagang wika hangga’t sa nababalanse pa rin ang paggamit ng wikang Filipino.
“Hindi sumasalungat ang KWF sa pagkatuto ng iba’t ibang wika dahil ang mga ito ay kailangan din nila,” aniya.