ISANG buwan matapos umani ng batikos ang bagong UST logo, napagkasunduan ng Council of Regents noong Hulyo 19 na ibalik na lamang ang dating disenyo nito.
Nabuo diumano ang desisyon dala ng mga “kontrobersiyang” lumabas sa Internet laban sa pinakabagong bersiyon ng UST seal, ani Secretary General P. Florentino Bolo Jr., O.P.
Napagpasiyahang patuloy na gamitin ang hugis-kalasag na logo na pinalilibutan ng mga salitang “PONTIFICAL AND ROYAL UNIVERSITY OF SANTO TOMAS, MANILA 1611” na lumilikha ng pabilog na impresyon—ang bersiyong ginamit bago lumabas ang kontrobersiyal na disenyo.
Matatandaang pinalitan ang dating logo upang mapaigting ang pagkakakilanlan ng Unibersidad sa labas ng bansa at upang umayon ito sa mga opisyal at legal na dokumento ng UST.
Tinanggal ang mga titulong “Pontifical” at “Royal” dahil hindi na raw ito kasama sa opisyal na pangalan ng Unibersidad.
Sa unang panayam ng Varsitarian matapos ang pinakahuling desisyon sa logo, sinabi ni Bolo na hindi makaaapekto sa opisyal na pangalan ng Unibersidad ang paglakip ng mga nasabing titulo sa logo nito.
“The Council [of Regents] deemed that the issue of including the honorific titles of the University will not be inconsistent with the official name of UST, as long as the latter is maintained in legal documents,” aniya.
Sa kabila ng nagdaang kontrobersiya sa pagpapalit ng logo, nilinaw ni Bolo na layunin lamang ng pamunuan na linawin ang pagkalito ng ilan sa paggamit nito.
“The impression that the official seal includes only the shield is a misconception,” aniya. “The issue is about affirming the integrity of the official seal of the University, and on clarifying confusions about its rendition.”