GAYA ng ating watawat, binubuo ng makulay na himaymay ang ating kasaysayan: may masigla gaya ng dilaw na sinag ng araw at may mapula dahil sa pakikibaka at trahedya.

Ito ang naging tema ng Hinabing Gunita, isang pagtatanghal ng ika-108 na anibersaryo ng kalayaan ng Pilipinas, na ginanap sa Tanghalang Nicanor Abelardo sa Cultural Center of the Philippines noong Hunyo 11.

Sa isang maikling talumpati, idiniin ni Tourism Secretary Joseph Durano ang pag-alaala sa mga importanteng araw sa ating kasaysayan. Anya, “Nagiging numero lamang ang mga petsa kapag hindi natin binibigyang-halaga ito”. Ipinakita sa isang video presentation ang mga di-matatawarang kaganapan at kabayanihan ng ilang Pilipino na may malaking epekto sa kasaysayan.

Sa unang bahagi ng pagtatanghal, inilahad ang ilang mahalagang aspeto ng kasaysayan ng Pilipinas, mula sa sinaunang panahon hanggang sa 1986 People Power Revolution. Binigyang-diin dito na noon pa man, mayroon nang pagnanais at pagkilos ang mga Pilipino upang mapanatili ang kanilang kalayaan. Ginawang mga halimbawa ang pakikihamok ni Lapu-Lapu kay Magellan, ang paghingi ng mga ilustrado ng patas na pagtrato sa mga Kastila; ang paglaban sa mga hukbo ng Hapon; at ang mapayapang himagsikan sa Edsa na nagpatalsik kay Ferdinand Marcos.

Bagaman tumatalakay rin sa kasaysayan ng Pilipinas ang ikalawang bahagi, higit itong nakatuon sa mga tungkulin at suliranin ng mga kabataan. Malinaw ito sa simula nang ipakita ang pagkainip ni Jose Rizal sa animong hindi pagkilos ng kabataan para sa bayan. Nilagay ito sa modernong konteksto nang ilahad ang eksena ng ilang kabataang gusto lamang mamasyal sa mall at magsasayaw. Pinakita rin ang pagkakaroon ng mga kabataan ng isa o kapwa mga magulang na nagtatrabaho sa ibang bansa at dahop sa kalinga. Inilarawan ito sa isang eksena ng mga taong tinatanaw ang isang eroplanong paalis ng bansa.

READ
For the nth time, UST dominates boards

Minulat din ng Gunita ang mga kabataan sa reyalidad ng buhay nang sabihin ni Rizal na hindi lamang kathang-isip ang kanyang mga tauhan sa mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Ginawang halimbawa si Donya Consolacion na sumisimbulo sa kaisipang kolonyal ng mga Pilipino.

Naging kakaiba ang pag-ayos ng entablado para sa pagtatanghal. Mayroong isang malaking “butas” sa gitna nito, bukod pa sa rampa kung saan bababa ang mga aktor. Sari-sari rin ang mga paraan upang maipakita ang iba’t ibang mga yugto sa kasaysayan. Nagsabayang-pagbigkas ang mga batang aktor habang nag-monologo naman ang mga bayaning karakter. Sa pangalawang bahagi ng palatuntunan, nagkaroon ng sayawan at awitan na kagaya ng mga “disco” noong dekada 70.

Mababatid kaagad ang mensaheng nais iparating ng palatuntunan: na mahirap ang pagtamo sa kalayaan at lalong mahirap ang pagpapanatili nito. Ngunit mapupuna na hindi inilahad ang iba pang pangyayari na may malaking papel sa kasaysayan, tulad ng mga naganap noong panahon ng mga Amerikano. Mula sa eksena ng pag-aalsa ng mga Katipunero, tumalon agad ang pagtatanghal sa pananakop ng mga Hapon. Nagmistulang nawala ang mga ginawang pakikibaka at pagkilos tungo sa pagkamit ng kalayaan noong dumating ang mga Amerikano.

Kabilang sa mga artista at mang-aawit na nagtanghal sina Grace Nono na binigyan ng mga katutubong interpretasyon ang Noong Unang Panahon at Sa Ugoy ng Duyan; Nonie Buencamino na gumanap bilang Juan Luna, Andres Bonifacio, at Jose Rizal; Nannete Inventor, bilang si Donya Consolacion; Jed Maddela; at The Company. Naroon din sina Dulce, Bituin Escalante, Mae Bayot, at Ruben Laurente. Kasama rin sa mga nagtanghal ang Ballet Philippines, Tanghalang Pilipino, Ramon Obusan Folkloric Group, at Mary the Queen Choir.

READ
Election-related shows: Showing the real score

Sa pagtingin sa nakaraan, ating masasaksihan ang anumang punit at butas ng ating bayan, at matuto sa mga aral nito upang maging ganap at mahusay ang susunod na paghabi sa ating tadhana. Ruben Jeffrey A. Asuncion

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.