NEGATIBO ang lahat ng resulta ng 6,034 Tomasinong sumailalim sa mandatory drug testing, mula Hulyo 21 hanggang Agosto 8.

Pawang nasa unang taon ang mga estudyanteng ito na nagmula sa Alfredo M. Velayo College of Accountancy, College of Architecture, College of Fine Arts and Design, College of Science, College of Education, Faculty of Pharmacy at Faculty of Engineering. Susunod na ang mga freshmen sa mga kolehiyo ng Nursing, Rehabilation Science, at Commerce, at sa mga fakultad ng Arts and Letters, Civil Law, at Medicine and Surgery.

“Dedikado ang UST upang alagaan ang pagkatao at kalusugan ng kaniyang mga tagapangasiwa, empleyado, propesor at estudyante at bigyan sila ng isang ligtas at maayos na campus,” ani Student Welfare and Development direktor Anita Garcia.

Madaming tuntunin ang sinusunod ng mga drug testing laboratory na dapat naaayon sa mga patakaran ng Kagawaran ng Kalusugan. Isa na rito ang pagbibigay ng mga specimen ng ihi sa mismong drug-testing facility.

“Hindi pwedeng doon sila sa bahay nila iihi tapos dadalhin na lang nila dito,” ani Dr. Antonia Raymundo, chair ng UST Hospital (USTH) Department of Clinical Pathology. “Kailangan dito sa laboratoryo sila umihi at habang may kasama silang mga medical technology interns.”

Gamit ang mga testing kits, susuriin ng mga medical technologists ang mga ihi ng mga estudyante sa laboratoryo. Sensetibo ang mga testing kits sa mga substansyang metamphetamine o shabu, at sa tetrahydrocannabinol o marijuana. Kapag isinawsaw ang dulo ng testing kit sa ihi na mayroon ng parehong substansya, magkakaroon ng isang linya sa panel window ng testing kit na ngangahulugang positibo ang nagmamay-ari ng ihi sa mga substanyang nabanggit.

READ
French fries found carcinogenic

Lalabas ang resulta sa loob ng lima hanggang walong minuto. Ayon sa Acon package insert, 99 porsyentong tama ang resulta ng mga drug-testing kits.

Kung positibo ang resulta, susuriing muli ng mga medical technologists ang sampol ng ihi. Kung positibo pa rin, ipapadala na ang sampol ng ihi sa Confirmatory Laboratory ng Speed Drug Testing laboratory sa Quezon City.

Kung negatibo naman ang resulta ng estudyante, padadalhan na lamang sila ng liham na nagsasabing negatibo sila sa ipinagbabawal na gamot.

Habang wala pa ang opisyal na kopya ng resulta ng drug test para sa mga estudyante, magbibigay ng opisyal na listahan ang USTH sa Health Service kung saan maaring malaman ng mga estudyante kung positibo sila o hindi sa mga ipinagbabawal na gamot.

Pinatupad ang mandatory drug testing sa mga freshmen bilang pagsunod umano sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act. Ivan Angelo L. de Lara at Rafael S. Mejia

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.