Dibuho ni F.M.C. AmarPAANO nga ba natin sila pananatilihing buhay?

Ito ang mga salitang binitiwan ng isang dyaryo sa kaniyang mambabasa, ilang araw pagkatapos mamatay ni Corazon “Cory” Aquino. Sa kaibuturan ng tanong na ito, makikita ang mukha ni Cory at ng asawa na si Ninoy Aquino, ang tinutukoy ng tanong.  

Kilala sa atin ang mag-asawang Aquino bilang tagapagtanggol ng kalayaan at simbolo na rin ng demokrasya sa bansa. Naging catalyst ang brutal na pagpaslang kay Senator Ninoy Aquino habang pababa siya sa tarmac upang magising ang mga Filipinong nagbubulag-bulagan sa talamak na karahasan at kahayupan sa kanilang paligid, dala ng “martial law.” Subalit hindi ito sapat upang maudyok sila na lumaban at kumilos; kinailangan pa ang presensya ng asawa ni Ninoy na si Cory, isang naghihinagpis na biyuda galing sa Tarlac (suot-suot ang kaniyang bistudang dilaw at “Laban” sign), upang bawiin ang kanilang kalayaan mula sa kamay ng isang diktador sa pamamagitan ng malawakang “People Power Revolution.”

Naganap ang lahat ng ito  isang dekada na ang nakakalipas. Habang tumatagal, nakalulungkot isiping unti-unti nang nawawala ang bisa ng mahiwagang pagtitipon na iyon. Hamon ngayon para sa mga nakisalo noong “Edsa 1” ang maipasa sa susunod na henerasyon ang esensiya at kahalagahan nito. Hindi ito magiging madali; sa panahon ngayon kung saan naghahari ang Internet at iba-iba pang distraksyon sa kabataan, tila wala na sila gaanong pakialam sa politika o sa kalagayan ng bansa dahil ito na ang nakasanayan nila habang lumalaki: isang Pilipinas na nasusukdol sa korupsyon at kung ano-anu pang kontrobersiya.

 Nitong nakaraang Agosto 21 lamang, nagbigay-pugay ang bansa sa araw ng kamatayan ni Ninoy, ngunit nakahihiyang makita na pagkatapos ng kaniyang sakripisyo, tila bumalik na naman ang dating sakit ng mga Filipino na kalyuhin sa mga pangyayari sa paligid. Kaunti na lamang ang nakaaalala ng tunay na kahalagahan ng Agosto 21, ang araw kung saan nabigyan ng tapang ang mga Filipino. (Kung tutuusin, ang buwan ng Agosto ay hindi lamang “buwan ng wika” kundi buwan din ng mga bayani. Bukod sa death anniversary ni Ninoy ay ito rin ang buwan ng isa pang simbolo ng demokrasya na si Jaime Cardinal Sin, na siyang magdiriwang ng kaarawan sa Agosto 31.)

READ
Music Dean Sunico heads CCP

 Ngunit kung kailan naman mukhang palasak na ang saysay at hiwaga ng “Edsa 1” ay may hindi inaasahang pangyayari- sumakabilang buhay si Cory Aquino, ang ikalawang parte ng “tandem” ng demokrasya at umano’y mukha ng rebolusyon. 

Agad agad, bumuhos ang simpatiya ng mamamayan para kay “Tita Cory,” at kasabay nito, sumiklab muli ang pagiging makabayan ng mga Filipino. Marami ang nagbalik-tanaw sa mga pangyayari noong 1986 rebolusyon; at pati ang mga bata na hindi pa isinisilang noon ay tila nahawa na rin sa kumakalat na “nationalistic fervor.”  Makikita silang humahanap ng kahit anung bagay na maaaring makapagbibigay sa kanila ng kaalaman tungkol sa mag-asawang Aquino at kanilang iniwan na pamana. 

Kahit sa UST mismo, makikita na nadala rin ang mga estudyante sa alon ng pagiging makabayan. Makikita ang ilang exhibit at dibuho ng mga estudyante sa kung saan-saang lugar, na tila sinusubukang buhayin ang ala-ala nila Cory at Ninoy, pati na rin ng iba pang bayani. Sa huli, nag-iwan ang pagkamatay ni Cory  ng huling handog para sa mga Filipino – ang imulat ulit ang mata natin sa pangalawang pagkakataon, at tapusin ang sinimulan ng kaniyang asawang si Ninoy.  

Sa maikling sandali, gising ulit ang mga Filipino at handang ipagtanggol ang kanilang karapatan at ang mismong ideya ng demokrasya. Kung gaano katagal ito mananatili bago tuluyang manghina muli, hindi masasabi. Ngunit ngayon, dapat lang itong maging badya sa mga opisyales o nakakataas na nais abusuhin ang kanilang kapangyarihan at lokohin ang mga Filipino – nanunuod kami, nakikita namin ang ginagawa ninyo at handa naming ipaglaban ang hustisya.  

READ
Tawiran

Sa bawat galaw patungo sa kalayaan, hindi lamang natin napapanatiling buhay ang mag-asawang Aquino, kundi ginagawa pa natin silang imortal.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.