NANG minsang atasan ako ng aming patnugot na magsulat ng maikling kuwento, halos pitong beses ko itong iniwasto bago pumasa sa kaniyang panlasa. Sa tuwing ibinabalik sa akin ang aking artikulo, hindi ko malaman kung ano ba ang dapat kong gawin upang mapaganda ito. Pakiramdam ko, laging mali ang ginagawa ko. Para bang wala akong ikinaunlad simula noong unang beses akong magsulat sa kabila ng patuloy na paggabay sa akin ng aking patnugot. Naisip ko tuloy na marahil, hindi ito para sa akin.

Kaya naman hanggang ngayon, hindi pa rin ako lubos na makapaniwala na isa ako sa mga estudyanteng napili para sa ika-limang Varsitarian Fiction Workshop. Isang malaking pribilehiyo para sa akin ang makaharap ang mga premyadong kuwentista na sina Jun Cruz Reyes, Eros Atalia at Abdon Balde, Jr. Bago kasi lumabas ang resulta ng Fiction Workshop, iniisip ko nang iwanan ang pagsusulat. Hindi ko kasi gusto ang paulit-ulit na pagwawasto ng artikulo.

Nagbago ang isip ko nang dumating ang unang araw ng workshop. Isa-isang sinuri ng mga eksperto ang mga isinumite naming mga kuwento. Bago ipakilala ang manunulat ng bawat akda, “kinakatay” muna namin ang bawat istorya.

Sa bawat “pagkatay,” binabanggit ang mga kalakasan at kahinaan ng mga kuwento at pagkatapos ay mga payo—mula pagbabanghay, paglalarawan ng setting, pagpapakilala at pagpapaunlad sa mga tauhan, hanggang sa lenggwahe—upang lalo kaming maging mahusay.

“Baka mamaya, nasasaktan na pala kayo sa mga sinasabi namin? Tandaan niyo, ginagawa lang namin ‘to para matuto kayo,” sabi ni Reyes.

Wala akong ibang naramdaman kundi nerbiyos nang kuwento ko na ang sinusuri. Hindi kasi ako kumpiyansa sa sarili ko at sa ipinasa ko dahil ito ang unang beses kong sumulat ng katha.

READ
It's official: UST to host Pope Francis

Sinabi nila na masyadong flat ang aking istorya: simple ang konsepto at hindi tatatak sa mga mambabasa. Aaminin ko, nalungkot ako sa kanilang sinabi. Pangalawang beses ko na kasi narinig ang ganoong puna.

Ngunit, napanatag ang kalooban ko sa sinabi ni Reyes. Sa kabila raw kasi ng mga kahinaan ng aking akda, ang kuwento ko raw ang katangi-tanging may “puso” sa lahat ng ipinasa.

Sapat na ang mga katagang ito upang gumaan ang aking loob at ibalik ang tiwala sa aking sarili. Naisip ko na hanggang nagsusulat ako mula sa aking puso, nabibigyang-buhay ang pagpapaanod ko ng salita.

Kung mayroon man akong mahalagang napulot sa palihan, ito ay tamang pagtanggap ng kritisismo. Na hindi ito para hatakin paibaba ang moral ng isang manunulat kung hindi para makita niya ang kaniyang kamalian at maitama ang mga ito. Sa halip na isiping paninira ito, dapat itong magsilbing gabay upang paghusayan pa ang iyong pagsusulat.

Natutunan ko rin na kung gusto talaga ng isang tao na maging manunulat, dapat siyang magtiyaga. Hindi siya dapat basta-basta sumusuko sa tuwing magkakamali siya dahil hindi natututunan sa loob ng isang gabi lamang o pagkatapos ng isang palihan ang pagsusulat ng maayos at makabuluhan. Natututo ang isang tao sa bawat karanasan na hinaharap niya sa buhay.

Matapos ang workshop, napagdesisyunan ko na ipagpatuloy ang pagsusulat. Alam ko na matututunan ko rin ang pasikot-sikot ng pagsulat ng katha kung hindi ako magsasawang matuto. Kailangan ko lang magtiyaga. Tulad nga ng sinabi sa akin ng isang kaibigan, “Writers only get better by being edited.”

READ
Retrospective pays tribute to the cinema of Akira Kurosawa

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.