PAANO nga ba ang wastong pag-awit ng Lupang Hinirang?
Naging mainit ang pagpuna ng National Historical Institute (NHI) sa pagkanta ng pambansang awit sa mga laban ni Manny Pacquiao matapos itong “ibirit” ng mga mang-aawit tulad nina Sarah Geronimo, Jennifer Bautista at Martin Nievera, isang bagay na sinasabi ng mga kompositor na estilo ng mga mang-aawit. Ngunit ayon kay Raul Sunico, dekano ng Conservatory of Music, naiiba ang pambansang awit sa karaniwang kanta dahil ang ayos at tono nito ay nasa batas.
Nakasaad kasi sa Seksiyon 37 ng Republic Act No. 8491 o 1998 Flag and Heraldic Code of the Philippines na: “Rendition of the National Anthem, whether played or sung, shall be in accordance with the musical arrangement and composition of Julian Felipe.” Ang liriko ng kanta ay halaw sa tulang Filipinas ni Jose Palma.
Sa pamamagitan ng batas na ito, naibalik ang Lupang Hinirang sa orihinal na tempong two-fourths na nasa key na G, matapos itong palitan at gawing four-fourth sa key na F noong 1956, ayon kay Sunico.
Ani Teodoro Atienza, pinuno ng heraldry section ng NHI, ang pag-awit ng Lupang Hinirang ay dapat tumagal lamang ng 53 segundo, isang bagay na ayon sa kanya, ay hindi nagawa ng mga umawit sa laban ni Pacquiao.
Sa huling laban ni Pacquiao kay Joshua Clottey noong Marso 13, muling tumaas ang kilay ng NHI sa bersiyon ni Arnel Pineda, ang Filipinong bokalista ng Amerikanong bandang Journey, kung saan nagmistulang “pop song” ang pambansang awit at masyadong bumagal. Pinuna rin ng NHI ang hindi pagsusuot ni Pineda ng Barong Tagalog sa laban habang kinakanta ang Lupang Hinirang.
Nagpahayag naman si Rep. Elpidio Barzaga Jr. ng Cavite noong nakaraang taon na maghahain siya ng “test case” laban kay Nievera na umawit sa laban ni Pacquiao kay Ricky Hatton dahil sa ‘di umano taliwas na pag-awit nito ng pambansang awit. Bukod dito, ninais din ni Barzaga na matukoy ang “jurisprudence whether or not the law would be applicable if the violation was committed outside the Philippines.”
Sa kabila kasi ng reklamo ng NHI ukol sa paglabag sa Republic Act 8491, hindi masampahan ng kaukulang kaso ang mga mang-aawit sapagkat ang umano’y “krimen” ay naganap sa ibang bansa kung saan walang bisa ang naturang batas.
Ang sinumang mapapatunayang lumabag sa mga probisyon ng Republic Act 8491 ay pagmumultahin ng mula P5,000 hanggang P20,000 o makukulong nang hindi hihigit sa isang taon.
“Sinasabi nila, sa ibang bansa ginawa iyong pagkakamali. Pero malaki ang epekto nito sa lahat ng mga Pilipino. Hindi lang iyong mga nasa ibang bansa, pati iyong mga nandito sa bansa,” ani Atienza.
Ayon naman kay Eleazardo Kasilag, pangulo ng Federation of Associations of Private Schools Administrators, panahon na para tumanggap ang publiko ng ibang paraan ng pag-awit ng Lupang Hinirang.
“Originally, it was a march, yes, because of the war, but in the 20th century, I found that passable. After all, even the Filipino flag is no longer the original one. The word Pilipino is now Filipino. The singer stuck to the lyrics anyway. So many cultural traits have lost their germane applications which should have been guarded and we do not complain about them,” dagdag pa niya.
Para naman kay Atienza, dapat galangin ang pambansang awit at panatilihin sa orihinal na bersiyon nito sapagkat ito ay inaprubahan ng ating mga bayani, at ang “mga kumakanta ng mali ay walang galang sa ating mga bayani.”
Sinang-ayunan ito ni Sunico na nagsabing hindi puwedeng gawing rason ang pagkamalikhain ng mang-aawit para baguhin ang interpretasyon ng pambansang awit.
“The National Anthem is, by itself, a sacred thing that we cannot tamper with,” aniya. “If they want to be creative or they want to show-off their high voice, [or] they want to show that they can sing with a lot of impressive technique, then they [should] do it for other pieces. But as far as the National Anthem is concerned, there is a straightforward way of rendering it.” Danalyn T. Lubang at may ulat mula kina J.A.D.P. De Leon at P.I.B. Evangelista