ROYAL, Pontifical and Catholic University of the Philippines. Nakita ko ito sa folder ng kaklase ko. Sabi ko, “UST ba ‘yun?”. Nagliparan ang grupo ng mga bubuyog papunta sa kumikinang na bumbilya sa itaas ng aking ulo. Parang may bumulong sa aking mga tainga na UST daw ang magiging daan upang matupad ko ang aking pangarap.

Simple lang naman ang aking pangarap. Ang mabigyan ng litrato ang aking nanay at tatay kung saan nakasuot ako ng tela’t sumbrerong itim habang may hawak na ni-rolyong papel. Ngunit naisip ko rin, saan kaya ako magsisimula para matupad iyon? Muli na namang nagliparan ang mga gamu-gamo. Nagising ang diwa ko habang hawak ko ang folder ng aking kaklase. Nakatingin ako sa ibabang bahagi ng folder kung saan nakalagay ang address, website, telephone at kung anu-ano pang impormasyon tungkol sa UST.

Ang maliit kong kamay ay nagkaroon ng silbi. Kumuha ako ng kapirasong papel sa likod ng kuwaderno at kinopya ko ang lahat ng dapat kong kopyahin. Natapos ang klase at pagkauwi ko ng bahay ay malapit nang dumilim. Dumilim nang dumilim nang dumilim at lumiwanag.

Linggo. Sa dami ng sasakyan sa España, akala ko wala na kong pag-asa. Tinawag ang mga mata ko ng isang arko papasok sa Unibersidad. Nag-iba ang oras, araw at lugar na kinatatayuan ko. Nakasuot na ako ngayon ng itim na pantaloon, at grey na blusa.

“Aba! USTe na ako!”

Sa dinami-rami ng sasakyan na iyon sa España at sa lahat ng nakita kong kakumpitensiya, isa ako sa mga pinagpala. Ngayon, nagsusulat muli ako sa pilas ng papel mula sa likod ng aking kuwaderno hindi para isulat ang address, website, at telephone number ng UST, kung hindi para ikuwento kung paano ako napadpad sa Royal, Pontifical and Catholic University of the Philippines – University of Santo Tomas.

READ
Pharmacy senior is batch 2010 valedictorian

*Si Sabado ay nasa unang taon sa kursong Information Systems sa Faculty of Engineering. Siya ang nagwagi ng unang gantimpala sa timpalak sa pagsulat ng sanaysay ng Central Student Council.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.