WIKANG Filipino: hubog mula sa radikal at positibong transisyon sa kasaysayan ng bansa.

Ito ang pinatunayan ng mga pantas ng wika sa seryeng diskusyong “Ang Filipino sa Labas ng Wika: Talakayan sa Neo-liberalismo at Wikang Filipino” noong ika-27 ng Nobyembre sa University of the Philippines (UP) sa lungsod ng Quezon. Sa pangunguna ng Congress of Teachers/Educators for Nationalism and Democracy (Contend-UP), tinalakay ang lagay ng wikang Filipino sa labas ng mga usaping intelektuwalisasyon at istandardisasyon sa kasalukuyang panahon.

Sa papel na “Pambansang Wikang Filipino at Neo-liberalismo” ni Gonzalo Campoamor III, propesor at campaign officer ng Contend-UP, isinaad na ang wika ay hindi maaaring bigyan ng materyal na halaga tulad ng isang kalakal.

“Ang wika ay hindi gaya ng sektor ng manipaktura na madaling matukoy ang kahalagahan ng produkto dahil sa taglay nitong materyal,” ani Campoamor. “Pero nagsisilbi ang wika bilang integral na sangkap sa pagkakaisa ng bayan.”

Ayon kay Campoamor, ang neo-liberalismo ay isang ekspansiyong kapitalista kung saan pinaiiral ang malayang kalakaran. Aniya, dahil madaling nakapapasok ang mga produktong banyaga sa bansa, hindi nabibigyan ng pagkakataong malinang ang mga lokal na produkto.

“Ang mabilis na paraan ng pag-export at pag-import ng mga materyal at iba pang kalakal na lalong pinalakas ng mahusay na komunikasyon sa pamamagitan ng Internet, mass media, at iba pang prosesong teknolohikal ang sumisiguro na hindi patas ang nangyayaring kalakalan sa bansa,” ani Campoamor.

Ngunit aniya, sa kasalukuyang panahon ng neo-liberalismo, sinisikil ng mga negosyante at iba pang “mga makapangyarihan sa itaas” ang malayang paggamit ng wika dahil tinutumbasan nila ito ng halaga’t salapi, gaya ng mga kompanyang nasa business processing outsourcing.

READ
Seven presidential bets troop to UST

“Batay sa napakaabstraktikong pagtingin, maaaring sabihing may totoong kalayaan din ang paggamit ng wika—anumang salita, anumang parirala, at anumang pangungusap na inilalahad sa isang talumpati nang hindi nangangamba sa presyo ng pagkukuwento at sa halaga ng bawat salita,” ani Campoamor.

“Pero kahit puhunang maituturing ito (wikang Filipino), kaakibat pa rin nito ang pagsasamantala ng mga negosyante gaya ng call centers,” dagdag pa niya.

Naniniwala naman si Melanai Abad-Flores, vice-chancellor para sa mga gawaing pampamayanan ng UP, kailangan munang magbigay ng pundasyon sa wika bago tuluyang magdagdag ng iba pang pamantayan ukol dito.

“Hindi pa nabubuo ang wikang Filipino,” ani Campoamor. “Ang problema, hindi pa lumalago, hinihinto na ng mga tao.”

Iginiit din ni Flores na dapat baguhin ng mga Pilipino ang kamalayan na ang paggamit ng wika ay isang mababang uri.

“Dapat ay magkaroon ang mga tao ng kakayanan at respeto na magpahayag ng nais nilang sabihin sa sarili nilang wika,” ani Flores.

Pagpasok ng ‘makabagong wika’

Sinabi naman ni Rolando Tolentino, dekano ng Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla sa UP, kaakibat ng pagyakap ng bansa sa panahon ng neo-liberalismo at globalisasyon, maraming makabagong wika ang pumapasok sa atin na walang tuwirang pagsasalin sa wikang Filipino.

“Ang pagpasok ng makabagong wika na ito ay wala namang ipinapakitang angkop na kultural na materyal na konsepto at ipinapataw lamang ito ng mga makapangyarihan sa itaas,” ani Tolentino.

Aniya, ang makabagong wikang dulot ng globalisasyon ay walang ibinibigay sa bansa na “culture of security”—kung saan wala naman itong tahasang translitirasyon sa kultura ng mga Pilipino, tulad na lamang ng mga salitang “impunity” at “pandarambong.” Naging likas na lamang ito sa mga tao dahil kasabay na itong naipasok nang tuluyang yakapin ng bansa ang konsepto ng neo-liberalismo.

READ
Si Noemi, si Blanca at ang kalsada

“Walang translitirasyon ang mga Pilipino sa ganitong kultura tulad ng ‘pandarambong’ na kaya nating makalusot sa anumang krimen tulad na lamang sa mga pumatay sa 58 katao sa Maguindanao,” ani Tolentino. “Ang ganitong klase ng wika ay naipasok lamang dahil sa globalisasyon.”

Binanggit naman ni Ramon Guillermo, propesor ng Kolehiyo ng Arte at Literatura sa UP, mas pinahahalagahan ngayon ang mga pananaliksik na “commercially viable” na nakalathala sa wikang Ingles, kaya’t napababayaan ang kalidad ng mga lokal na pananaliksik.

“Dati, ang pinakamahalaga sa lipunan ay ang makapagsulong ng kaalaman ng mga tao sa bansa at ito ang liberal na diskurso,” ani Guillermo. “Ngayon, ang tinitingnan ay ang mga pananaliksik na nasa banyagang wika.”

Samantala, sinabi naman ni Ricardo Nolasco, isa ring propesor at lingguwistiko, maraming pag-aaral na ang nagpatunay na mas epektibo ang paggamit ng wikang Filipino sa pagtuturo ng iba’t ibang asignatura, gaya ng “Functional Literacy and Educational Mass Media Survey.”

“Dominante ang paggamit ng wikang Ingles sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas bilang midyum [sa pagtuturo] na kinokondena ang maraming kabataan sa pagkatuto,” ani Nolasco. Elora Joselle F. Cangco

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.