BAGO PA man mauso ang medisina, inhenyeriya at parmasya sa kolehiyo, higit na naging sikat noon ang mga kakaibang kurso at programa sa Unibersidad.
Noong 1931, nagbukas ang Unibersidad ng wee golf course bilang tugon sa patuloy na pagdami ng mga mag-aaral na nahuhumaling at nalilibang sa laro.
Naging patok sa mga Tomasinong atleta ang wee golf maging sa mga ordinaryong mag-aaral. Nagbigay ito ng daan upang magkasama-sama at magkahalubilo ang mga mag-aaral.
Gayunpaman, hindi tuluyang naging isang ganap na kurso sa Unibersidad ang wee golf sapagkat mabilis na naglaho ang interes ng mga Tomasino at agad itong napalitan ng larong tennis.
Makalipas ang dalawang taon, pormal na tinanggal ng Unibersidad ang wee golf court upang gawing tennis court na siyang naging dahilan sa pagkawala ng programa.
Bukod sa wee golf, nagkaroon din ng steno typing course sa Unibersidad upang makisabay sa noo’y makabagong inobasyon sa teknolohiya.
Isang uri ng makinilya na ginagamit sa paglimbag ang steno na maaaring maihalintulad sa kasalukuyang ginagamit na keyboard ngunit hindi kumpleto ang mga titik at higit na kaunti ang tipahan nito.
Taong 1932 naman inilunsad ng Unibersidad ang kursong Physical Education kasabay ng pagtatalaga ng Board of Athletics na siyang mamamahala rito.
Noon pa man, aktibo na ang mga Tomasino sa paglalaro kaya naman hindi kalaunan, nagkaroon din ng cheering classes sa kurso na naglalayong turuan ang mga mag-aaral na bigyang suporta ang kanilang mga kapuwa Tomasino lalo na tuwing may laban sa ibang unibersidad.
Bagaman wala na ang wee golf, steno typing at cheering classes, mayroon pa ring kursong pampalakasan ang Unibersidad sa kasalukuyan sa Institute of Physical Education and Athletics na mas kilala ng mga Tomasino bilang IPEA at ang dating klase sa cheering ay isa nang pormal sa samahan, ang Salinggawi Dance Troupe.
Tomasino Siya
Alam niyo ba na isang Tomasino ang kinilala dahil sa kaniyang angking kahusayan sa larangan ng orthopedic surgery?
Si Jose Fernando Syquia ang kauna-unahang Tomasinong nagtapos ng summa cum laude sa kursong BS Physical Therapy ng Unibersidad noong 1986, bilang magna cum laude naman sa Faculty of Medicine and Surgery noong 1990, at topnotcher ng board examination.
Sa taglay na talas ng isipan, naging iskolar si Syquia ng Katholischer Akademischer Ausländer Dienst (KAAD) sa Munich, Germany upang doon magsanay ng orthopedics.
Ipinadala rin siya sa Madrid at Barcelona upang maging kinatawan ng Filipinas bilang isang resident physician sa Spanish EFFORT Traveling Fellowship.
Nang makabalik siya sa bansa, nagsilbi siyang resident physician sa Philippine Orthopedic Center simula 1995 hanggang 1998.
Kinilala siya bilang “Most Outstanding Intern of the Year” ng Dr. Mariano Alimurung Award at “Most Outstanding Surgical Resident Award” naman ng Philippine College of Surgeons.
Noong 1999, nanguna rin si Syquia sa diplomate examinations ng Philippine Board of Orthopedics kung saan siya ‘di kalaunang naging board member.
Upang higit na makakuha ng karanasan, nagtungo si Syquia sa University of Cincinnati Medical Center sa Ohio, USA upang magpakadalubhasa sa larangan ng orthopedic trauma, arthoroscopic surgery at foot and ankle surgery.
Kaniya ring pinag-aralan ang joint replacement surgery at adult reconstructive surgery sa Stanford University Medical Center in California, USA.
Sa kasalukuyan, nagtuturo si Syquia ng orthopedics sa Faculty of Medicine and Surgery ng Unibersidad at namumuno sa Section of Joint Replacement Surgery ng UST Hospital.
Naging editorial consultant din siya ng Philippine Journal of Surgical Specialties at nakapaglimbag ng dalawang libro ukol sa orthopedics.
Tomasalitaan
Gatô (PU)—gapok, latok, dupok
Hal.: Malungkot niyang pinagmasdan ang gatông sapatos bago magpatuloy sa paglalakad.