DAPAT maipawalang-bisa ang Mining Act of 1995.
Ito ang posisyon ng mga aktibistang nagpulong sa Social Research Center (SRC) noong Hulyo 28 sa Thomas Aquinas Research Complex. Tinuligsa ng mga makakaliwang grupo na pinangungunahan ng Akbayan, Alyansa Tigil Mina at Sibuyan against Mining ang nabanggit na batas dahil taliwas umano ito sa mga pangakong benepisyo na nararapat tanggapin ng mga katutubo sa mga dayuhang kumpanya. Sa halip, nawawalan pa ang mga ito ng kabuhayan dahil nasisira ang kalikasan dala ng open-pit mining na ginagawa.
“Ecologically dependent na bansa ang Pilipinas kung saan nakadepende ang kabuhayan ng tao sa pangingisda at pagsasaka,” ani ni Dr. Ernesto Gonzales, tagapangasiwa ng SRC.
Sang-ayon sa paninindigan ng makakaliwa ang isang pastoral statement na inilabas ng Catholic Bishop’s Conference of the Philippines noong Enero 29 na tumutuligsa sa Mining Act.
Sinabi ni Rep. Risa Honthiveros, kinatawan ng Akbayan at isa sa mga dumalo sa pagpupulong, “Napatunayan ng ilang mga pag-aaral ukol sa malawakang industriya ng pagmimina na hindi kasiguraduhan na makapagdadagdag ito ng trabaho at hindi rin sigurado na may pagsalin ng teknolohiyang nagaganap.” Hindi rin maipapangako ang pagtaas ng ating GNP sa pamamagitan nito, aniya.
Ayon kay Ronald Llamas, presidente ng Akbayan at dating manunulat ng Varsitarian, gagawa raw sila ng alternatibong batas kung saan pagbabawalan nito ang mga dayuhan na magtayo ng kumpanya rito.
Sinabi ni Llamas na pag-aaralan din nila ang mga tradisyonal na paraan ng pagmimina tulad ng paghuhukay at paggamit ng martilyo na maaaring gamitin ng mga minero ngayon.
Dumalo rin sa pulong ang mga kinatawan mula sa bansang Inglatera, Ireland at Australia tulad nina Claire Short, dating sekretarya ng State for International Development Ministry; Cathal Doyle, kinatawan mula sa Irish Center for Human Rights; Clive Wicks ng IUCN Commission on Environmental, Economic and Social Policy; at Fr. Frank Nelly ng Species Survival Commission.
“Kakalap ng impormasyon ang grupo ni Short na kanilang dadalhin sa international community ukol sa kalagayan ng Pilipinas para kumbinsihin ang mga bansang tulad ng Britanya na pagbawalan ang kanilang mga kumpanya na magtayo rito,” ani Llamas.
Dagdag pa niya, kinakailangan na talaga ang tulong ng ibang bansa dahil sa pagkasira ng kalikasan dito, kung saan sira na ang 96 porsyento ng gubat, 98 porsyento ng ilog at 70 porsyento ng dalampasigan dala ng mga dayuhang kumpanya.
Tinalakay din sa pulong ang ibang isyu kaakibat sa pagmimina tulad ng pang-aabuso ng karapatang pantao at ang ginagawang militarisasyon, isang polisiya ng gobyerno kung saan pinoprotektahan ng mga militar ang mga dayuhang kumpanya sa Mindanao, ang lugar na may pinakamaraming dayuhang kumpanya ng minahan. K. J. R. Liu at P. B. Casin