BINIGYANG-DIIN ng dalawang propesor sa Unibersidad ang kahalagahan ng pagsasalin sa larangan ng agham at medisina para sa masa, sa Saliksik at Salin 2019: Isang Forum sa Pananaliksik sa mga Larangan ng Araling Salin, sa Gusaling San Martin de Porres noong Peb. 20.
“Madaling ihatid sa karaniwang tao ang bagong kaalaman sa agham kapag ito ay nakasaad sa wikang pamilyar sa kanila,” ani Prop. Emeritus Fortunato Sevilla III mula sa Departamento ng Kimika.
Paliwanag ni Sevilla, tungkulin ng mga siyentipiko na magsaliksik ng katumbas ng “solid,” “liquid” at “gas” na termino sa agham at gamitin ito sa mga silid-aralan upang yumabong.
Ayon naman kay Dr. Maria Minerva Calimag, propesor mula sa Fakultad ng Medisina at Pagtitistis, makatutulong ang pagsasalin sa wikang Filipino upang maunawaan ng mga pasyente ang kanilang sakit na dinaranas.
Kasamang nagbahagi ng saliksik sina Elimar Ravina, propesor mula sa Institute of Information and Computing Sciences, Alvin Ringgo Reyes at Elenita Mendoza mula sa Departamento ng Filipino, at Emmanuel de Leon mula sa Fakultad ng Sining at Panitik.
Ang Saliksik at Salin 2019 ay pinangunahan ng Research Center for Social Sciences and Education.