NAKABIBINGI ang sigaw ni Lolo.

Minsa’y pinagalitan niya ako dahil nabasag ko ang plato habang naglalaro kami ng aking pinsan. Bagaman aksidente ang lahat, hindi pa rin napigil ang pagsabog ng galit niya. Gusto ko sanang sabihing maliit na bagay lang iyon, ngunit nanaig ang aking paggalang. Yumuko na lamang ako, humingi ng tawad at tinanggap ang parusa.

Mahigpit si Lolo sa amin, ngunit tumutulong siya sa tuwing kinakapos kami sa bahay o eskwela. Hindi rin niya nakakalimutan ang mga okasyon sa aming tahanan. Hindi rin niya nakakaligtaang magpatawa sa tuwing kakain kami nang sabay-sabay. Tinutulungan din niya ako sa aking mga aralin, at minsan nama’y humihingi siya ng kuro-kuro sa mga usaping panlipunan.

Ngunit naging mahirap siyang pakisamahan mula nang makilala niya ang kanyang faith healer. Sa una pa lamang, duda na kami sa pakay ng matandang manggagamot na iyon. Mula P100 para sa pagkuryente ng katawan ni Lolo, ang mga singil umabot sa P700.

Ipinaliwanag namin sa kanya ang maaaring panlolokong ginagawa ng faith healer, ngunit sinabi niyang napapagaling siya ng manggagamot. Pinabayaan namin ang kanyang naging pasya, sa pag-aakalang sa aming pagbabalewala, maliliwanagan rin siya.

Nagkamali kami. Unti-unti nang nililimas ng faith healer ang perang naipon niya. Naging bulwagan ng pag-aaway ang aming dating tahimik na tahanan. Ang masakit nito, pera ang ugat ng aming hindi pagkakasundo.

Sa dalas ng sumbatan, napagdesisyunan naming wala nang makikialam sa kanya. Kanya-kanya na kami.

Nahirapan nang husto si Lolo. Kung dati, nakahanda na sa mesa ang pagkain niya, mabango at plantsado na ang kanyang mga damit, at sa isang salita lang niya may mauutusan na siya, biglang nag-iba. Wala nang nag-aasikaso sa kanya.

READ
Biblical pool found

Kahit nakita kong nahihirapan siya sa malaking pagbabagong naganap, pilit kong huwag siyang pansinin.

Nang magkasakit, wala pa ring umasikaso kay Lolo. Sabi ni nanay, “Humingi ka ng tulong sa pekeng manggagamot mo!” Ginamot niya ang kanyang sarili, ngunit lalo lang lumala ang sakit niya.

Sa pagkakataong iyon, naging isang malaking palaisipan kung paano maitutuwid ang pagkakamaling iyon. Wala ni isa sa amin ang naglakas-loob upang gumawa ng unang hakbang tungo sa ikatatama ng mga bagay. Hanggang sa dumating ang aking tiyahin mula sa probinsya.

Pinatawag siya ng aking nanay upang bantayan si Lolo. Nakita niya kung paano namin pakisamahan si Lolo. Sermon ang inabot namin sa kanya. Pinaalala niya sa amin na matanda na si Lolo at kailangan ng pag-unawa. Tama nga siya, mahal namin si Lolo kaya gusto namin siyang matuto mula sa kanyang pagkakamali pero mali ang aming pag-abandona sa kanya.

Dahil sa paglala ng kanyang sakit, napagdesisyunan ng aming pamilya na dalhin si Lolo sa ospital upang makasiguro sa tunay niyang kalagayan.

Upang makabawi sa kanya, para kaming mga batang nag-aaway sa oras ng pagbabantay sa ospital sa kanya. Nais ng lahat na siya ang magbantay kay Lolo.

Lumipas ang mga araw at lalong lumala ang kanyang kalagayan. Nabatid kong tinatawag na siya ng Diyos, at hindi na siya magtatagal. Isang araw, nagulat ako nang tawagin ako ni Lolo. Lumapit ako at kinuha ang kamay niya. Malamig ito at walang lakas para pisilin ang aking kamay. Pinilit niyang magsalita kahit sinabi kong huwag na. Gaya ng dati, makulit pa rin siya. Ngunit nagulat ako sa sinabi niya. Ako ang paborito niyang apo.

READ
Rescuing the Mother from the apocalypse of neglect

Hindi ko namalayang tumulo na pala ang aking luha. Saka ko lang nasabi ang gusto niyang marinig—patawad.

Nagulat ako nang makita ko ang flat line sa cardiac monitor sa gilid ng kanyang kama. Wala na pala akong kausap. Hindi ko alam kung narinig pa niya iyon o hindi. Nahuli ako sa biyahe ng pamamaalam kay Lolo.

Napatawad man niya ko o hindi, alam kong naging masaya siya sa mga huling sandali niya sa mundo dahil napagkaisa niya ang aming pamilyang ipakita sa kanya ang aming pagmamahal.

Sa kabila ng katigasan ng ulo ni Lolo, nagsilbi pa rin siyang araw sa aming madilim na kalawakan. Napagtanto naming nagkulang kami ng pag-unawa sa kanyang mga naging pasya. Kahit nangyari ang mga bagay na taliwas sa inaasahan, hindi pa rin niya nakalimutang mag-iwan ng alaalang tatatak sa aming mga puso: ang magpatawad nang buong puso. Bagaman parang nakapapasong init ng araw ang kanyang sigaw, ang kanyang pagmamahal naman ang nagsilbing liwanag sa aming tahanan. Maswerte kami dahil kahit naging pabaya kami kay Lolo, nagbigay pa rin siya ng aral sa buhay ng aming pamilya.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.