SINO ang mag-aakala na ang pangunahing gusali ng Unibersidad ay hindi nangunguna kumpara sa mga iba pagdating sa contingency measures?

Habang inihahanda namin ang isyung ito, sumisipol sa lakas ang hangin at wari’y ibinubuhos ng langit ang lahat ng kanyang kabiguan kaugnay ng sangkatauhan simula pa sa hardin ng Eden. Dahil malamang sa bagyo, ilang beses na naputol ang daloy ng elektrisidad sa mga ilang parte ng syudad, kasama ang UST. Ang resulta: ilang beses ring napunta sa madilim na kawalan ang mga di nai-save na file sa mga kompyuter, samantalang palapit nang palapit ang deadline.

Wala na kaming nagawa kundi lumabas ng opisina at hintaying magkaroon ulit ng kuryente. Ngunit dahil nga sa may hinahabol na palugit, napatanong ako sa mga guwardya kung bakit hindi pinapaandar ang mga generator. Ang sagot: hindi sapat ang krudo upang mapatakbo ang mga ito. Kung minamalas ka nga naman.

Ganoon na naman ang nangyari sa sumunod na araw; nawala ang kuryente ng ilang mga oras. Hindi umuulan nang mga panahong iyon kung kaya’t naglalakad-lakad ako kasama ang ilan sa mga manunulat. Napansin kong may ilaw sa gusali ng Arts and Letters. Bukod dito, may elektrisidad din sa may grandstand, simbahan, at ospital, ngunit alam kong may sariling generator ang tatlo.

Bumalik ako sa mga guwardya ng Main Building at nagtanong ukol sa pinagmumulan ng kuryente sa Arts and Letters, at kung bakit mabilis na napaandar ang generator doon samantalang wala namang tao sa kahit isang opisina sa naturang gusali. Noon ko nalaman na ilang gusali sa Unibersidad ang may automatic na emergency power source. “Ang Beato (Angelico), magkakaroon na rin,” ang sabi sa akin. Natawa na lamang ako.

READ
Sports-speak

Posible nga naman na may automatic na generator ang mga gusali. Siguro’y hindi na ito sumagi sa aking isipan dahilan sa ang nasa isip kong batayan ay ang pangunahing gusali, kung saan matatagpuan ang mga pinaka-importanteng opisinang administratibo ng pamantasang ito.

Paano na kaya kung naputulan ng elektrisidad ang Main habang may transaksyon, halimbawa, sa Cashier’s Office, na kaka-upgrade lang upang mapaganda ang serbisyong ibinibigay? (Oo, kasama sa konsepto ng “upgrade” at “magandang serbisyo” ang mga de-kuryenteng kagamitan, kabilang na ang mga kompyuter. Maselan pa naman ang mga ito sa pag-atubili ng daloy ng kuryente.) Tiyak na sakit ng ulo ang hatid noon, at sasakit lalo ang ulo ng mga administrador sa gagawing angal ng mga estudyante, na parating humihingi ng kalinawan ukol sa pinatutunguhan ng kanilang tuition.

Ang hindi pagsindi ng asul na krus sa tuktok ng Main ay hindi lang nangangahulugan na walang elektrisidad sa nasabing gusali. Ipinahihiwatig nito ang pagkapako ng pangunahing gusali sa lumang nakagawian habang ang mga iba ay patuloy ang pagsulong. Kinakatawan pa naman nito ang buong Unibersidad. Kung titingnan natin nang makahulugan, mayroon kaya itong sinasabi tungkol naman sa pangkalahatang estado ng pamantasan?

Ngunit pag-usapan natin iyan sa iba namang araw, kahit umuulan.

***

Nais ko nga palang bigyang-pugay ang mga guwardya at ang security affairs, sa maagap na pagkapansin sa sunog noong Agosto 24 sa isang laboratoryo ng Faculty of Pharmacy malapit sa kantina ng UST High School. Salamat sa lahat ng rumespondeng fire stations, sa pagpadala ng sangkatutak na trak (Ang pinakamalapit, na pagmamay-ari ng UST at nakagarahe mismo sa likod ng nasunog na gusali, ay hindi gumalaw. Saka na lang din natin iyon talakayin.).

READ
Is activism in UST dead?

Mabuhay kayong lahat.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.