Humigit-kumulang walong taon na ang nakalilipas mula nang ipasa ang batas na ginawang optional ang Reserved Officers Training Corps (ROTC), at halos siyam na taon na rin mula nang mabalita ang pagkamatay ng Tomasinong si Mark Welson Chua na diumano’y dahil sa military hazing, na naging daan din upang mabunyag ang mga katiwalian sa pamunuan ng UST-ROTC noon.

Kaya’t nangamba ako nang sumulpot ang mga balibalitang plano ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines na gawing mandatory ang ROTC, hindi lamang dahil sa posibilidad ng pangalawang Mark Chua, kundi pati na rin ang maaaring paglaganap ng katiwalian at baluktot na kahulugan ng pagkamakabayan.

Ang pagkamatay ni Chua ay isa sa naging mitsa ng pagiging optional ng programa. Mayo ng parehong taon ay nagbigay ang UST ng pahayag upang alisin ang ROTC sa kurikulum at tinawag pa itong “cancer in our system that needs to be excised.”

Sa mga naunang panayam ng Varsitarian sa namayapang Welson Chua, ama ni Mark, sinabi niyang hindi ang institusyon ang may problema kundi ang paraan ng pagpapalakad dito.

Sinabi naman ni Raul Pangalanan, kolumnista ng Philippine Daily Inquirer, na sa halip na ituro ang halaga ng pagiging isang makabayan, o ang patriotism, ay maging instrumento pa ang programa sa korupsyon.

“They (cadet officers) had the power to create a need. They had the power to control how that need was satisfied. It was a perfect formula, the ideal setup for anyone out to make a quick buck,” ani Pangalanan, na tumutukoy sa mga cadet officers na ginagamit ang kanilang kapangyarihan upang kumamkam ng salapi mula sa kanilang mga miyembro.

READ
Natatanging garing, natatanging kontrobersiya

Hindi maituturo ang disiplina sa pamamagitan ng pisikal na pananakit, o ano pa mang uri ng torture.

Bagama’t mabuti at walang dudang makatutulong sa kabataan ang adhikain ng programa, nakabuti rin ang pagsama nito sa programa ng National Service and Training Program (NSTP), kung saan maaaring mamili ang mga mag-aaral sa kolehiyo sa Civic Welfare and Training Service (CWTS) at Literacy Training Service (LTC), bukod sa ROTC. Nagbukas ito ng bagong oportunidad sa mga mag-aaral upang pagyamanin ang pagkamakabayan nang hindi gumagamit ng dahas, sa pamamagitan ng boluntaryong pagtulong sa kapuwa na sinasalamin ng layunin ng CWTS at LTS.

Gayon din naman, ang pagtatanggal ng programa sa kurikulum ay hindi solusyon. Matagal man ang gugugulin na panahon, reporma sa sistema ang kinakailangan ng ROTC, maging ito ay sapilitan man o hindi.

Kung maipasa man ang panukala, isa ito sa mga dapat pagtuunan ng pansin hindi lamang ng kasalukuyang pangulo, ngunit pati na rin ng bawat mamamayan, lalo na ng mga kabataan na siyang hinuhubog ng paaralan upang maging susunod na mga pinuno ng ating bansa.

Ang masamang imahe ng militar at ng ROTC, na nagbuhat sa talamak na extrajudicial killings, at forced disappearances sa bansa, ay isang malaking hamon sa pamunuan mismo ng mga sangay na ito. Nararapat lamang na ayusin ang kanilang sistema nang naaayon sa nagbabagong panahon at ayon sa prinsipyo ng mabuting asal at katotohanan.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.