MAHIRAP mulatin ang mga tao sa sining at kultura ng kani-kanilang lokalidad, ngunit para sa Cavite Studies Center, isa itong hamon na malugod nilang tinatanggap.

Simula nang itinayo ang center noong 1996 sa pamamahala ng De La Salle Univerisity sa Dasmariñas, Cavite, naging daan ito upang maipakilala muli ang kasaysayan ng Cavite at maikampanya ang kamalayan ng iba’t ibang tao sa kani-kanilang lokalidad.

Ayon kay Dr. Efren Abueg, manunulat ng center, hindi lang para sa Cavite ang naturang center, kundi pati na rin mabuhay ang nakalimutang kahalagahan ng pag-aaral ng lokal na kultura sa bansa.

“Napakalungkot ng kalagayan ng bansang ito dahil aral nang aral ang mga tao tungkol sa nasyonal at internasyonal na literatura at kultura, pero hindi naman pinag-aaralan ang lokal na mga aspeto,” ani Abueg. “Ito ang adhikain namin, bumalik muli sa simula o sa ugat para malinang ang pagka-Pilipino natin.”

Konsepto ni Dr. Paulo Campos, dating presidente ng Emilio Aguinaldo College, ang makalikom ng mga masusing pagsasaliksik tungkol sa Cavite at pati na rin ang ibang probinsya.

Kabilang sa mga programa nila ang mga seminar sa malikhaing pagsulat at mga talakayan na nakatuon sa paglinang ng panitikang Caviteño. Naganap ang unang seminar noong nakaraang taon sa pangunguna ni Abueg kung saan nagsalita sina Ricky Lee, Dr. Bienvenido Lumbera at Dr. Cirilo Bautista.

Nagkaroon din ng taunang pagkilala sa mga Kabitenyong nakatulong nang malaki sa pag-unlad ng Cavite. Isa ang yumaong mananaliksik at historyador na si Alfred Saulo na sumulat ng History of Cavite at Emilio Aguinaldo: Generalissmo and President of the First Philippine Republic-First Republic in Asia.

READ
Boredom, vice, and want

Sa tulong ng National Historical Institute, Linangan ng Literatura, at Cavite Historical Society, nabuo ng center ang ika-25 National Conference on Local and National History na ginanap noong nakarang taon at ang unang Cavite National Conference on Teaching Literature and Literary Theories kung saan kasama sa mga nagsalita sina Dr. Florentino Hornedo at Ferdinand Lopez, mga propesor ng UST. Dinaluhan ito ng mga estudyanteng mula sa iba’t ibang unibersidad sa Maynila.

Bukod pa rito, taunan ding naglilimbag ang CSC ng mga libro tulad ng Saloobin ni Emmanuel Calairo, finalist sa National Book Award, tungkol sa mga saloobin ni Emilio Aguinaldo, at Cavite en Siglo 19 ni Michael Francisco, na lipon ng mga Kastilang dokumentong isinalin sa Ingles. Sa ngayon, nakapaglabas na sila ng mahigit 15 libro tungkol sa lokal na kasaysayan.

Ipinagmamalaki rin nila ang lumalagong mga archive ng center kung saan nakalagay sa microfilm ang mga lumang libro at dokumento mula pa noong ika-19 na siglo.

Dahil sa mga puring natamo ng center mula sa iba’t ibang lokal na tanggapan, mas isinusulong nila ngayon ang kanilang mga programa.

Magkakaroon ang center ng talakayan sa Agosto 17 at 18 tungkol sa biodiversity ng Mt. Balay-Balay sa Maragondon. Kasama ang iba’t ibang magsasaka, propesor, at civic leaders, pati na rin ang iba pang mga studies center tulad nito, pag-uusapan ang tamang pag-aalaga ng kalikasan at pagpapahalaga sa lokal na pamahalaan. May plano rin makipag-ugnayan ang center sa Center for Creative Writing and Studies ng UST at iba pang katulad na tanggapan upang maipakilala ang mga batang manunulat sa lokal na literatura.

READ
2nd USTV Awards on

“Isa itong hamon sa mga kabataan,” ani Abueg. “Mahalaga talaga `yung maiiwan namin para maipagpapatuloy ng kabataan. Marami na kasing pangarap na namatay kasi hindi nailipat sa iba.”

Ayon kay Abueg, hindi isang makasariling paraan ang Cavite Studies Center para sumikat ang Cavite. Aniya, isa itong maliit na hakbang para sa ikauunlad ng bansa dahil sa ngayon “idealistic lang ang pagmamahal ng Pilipino sa Pilipinas, pero walang substance.” Glaiza Marie A. Seguia

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.