Tinanggap ni Alpine Moldez, isang dating manunulat ng Varsitarian, ang kaniyang tropeo para sa "Pinakamahusay na Akda sa Agos Journal para sa Dagli" sa Gawad Sentro ng Wikang Filipino noong ika-30 ng Agosto. (Retrato mula kay Adelma Salvador)

ISANG dating manunulat ng Varsitarian ang pinarangalan para sa kaniyang dagli sa Gawad Sentro ng Wikang Filipino (SWF) sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman.

Pinangalanang “Pinakamahusay na Akda sa Agos Journal para sa Dagli” ang malikhaing dagli ni Alpine Moldez na pinamagatang “Adobo” sa isang seremonya noong ika-30 ng Agosto. 

Ani Moldez, ang kaniyang kagustuhang mag-ambag sa panitikang Filipino ang nag-udyok sa kaniyang sumali sa Gawad SWF. 

“Gusto ko, kapag isinulat at binalikan ang kasaysayan ng panitikang Filipino balang araw, kahit papaano, may naiambag ako,” wika ni Moldez sa isang panayam sa Varsitarian

Ang “Adobo” ay patungkol sa isang may-ari ng karinderyang nagngangalang “Maita,” na nawalan ng panlasa matapos mahawaan ng Covid-19. 

Umikot ang kuwento sa unti-unting pagbalik ng kaniyang panlasa matapos hainan ang apat na mamimili ng tindang adobo. 

Ayon kay Moldez, naging inspirasyon niya ang kaniyang pamilya sa pagsulat ng dagli. 

“Isa kami sa mga unang nadali ng Covid-19 noong 2020, at wala pang bakuna [noon]. Kaya inisip ko kung paano ang mundo matapos ang pandemya,” wika niya. 

Nagtapos si Moldez ng Communication Arts sa Unibersidad noong 2015. 

Hinimok niya ang mga Filipino na gamitin ang wikang pambansa at huwag magpadala sa kaisipan na ang paggamit nito ay nangangailangan ng pagiging malalim at pormal. 

“Gamitin natin ang wikang Filipino at kasabay nito, tanggapin na nagbabago ito at sumasabay sa panahon…Matapos kasi natin mas palaganapin ang wika sa iba’t ibang bahagi ng buhay natin, [mas] maeengganyo tayong ikuwento, isulat, at basahin ang mga akdang Filipino,” wika ni Moldez. 

“Huwag tayong mahiyang gamitin ito sa lahat ng pagkakataong maaari natin itong gamitin. Hindi ito kahiya-hiya o isang mababang antas ng pananalita,” dagdag pa niya.

Layong kilalanin ng Gawad SWF ang mga kontribyutor ng saliksik at malikhaing akda sa Filipino sa mga journal nito. With reports from Angeli Ruth R. Acosta

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.