NAKAKITA ako ng isang isda sa may batuhan ng dalampasigan—matigas, tuyot, at tila isa na ring bato.

Sa kinang ng kaliskis nito, hindi ko inakalang minsan ring siyang nabuhay. Anino na lamang ng kanyang nakaraan ang makikita sa ngayon—ang simpleng pagkampay niya noon ng makulay niyang palikpik papunta sa mga korales na kanyang tinitirahan, ang paghahanap niya ng makakain sa kailaliman ng dagat, at ang bawat sulyap niya sa mundong hindi kanya sa tuwing nauubusan na siya ng hininga—ngunit sadyang hindi basta-basta ang pag-anod sa kanya ng karagatan.

Hindi ko alam kung dapat bang matuwa o malungkot sa aking napagmasdan. Kiniliti ng nanigas na isdang iyon ang maraming alaalang naglaro at bumagabag sa isip ko.

Minsan na rin akong naguluhan sa pagsunod sa kung ano na ang kagustuhan ng marami gaya ng isdang lumaban sa mga dambuhalang alon. Madalas, ang mga alon sa buhay ko ang nasusunod at nasisiyahan at hindi ang nais kong mangyari. Gustuhin ko mang sumuway, mismong konsensya ko ang pumipigil para sundin ko ang gusto.

Tulad ng isang isda, ang bawat hampas ng alon sa mga bato ang dahilan ng kanyang katapusan. Sino ang nagsabing madali ang lumaban sa agos na nakagisnan at bumubuhay sa iyo?

Parang buhay ng isang tao ang sa isda. Hindi alam kung saan papunta, kung saan tatangayin ng agos. Ang tao, simula nang siya’y mabuhay, ihuhugis kaagad ng kanyang magulang ang mga katangiang nais nila. Kalalakihan niya iyon, at susundin niya ang bawat utos at hiling ng mga nakatatanda. Gagawin niya iyon, sa pag-aakalang masisiyahan at makukuntento rin siya.

READ
Eskinita

Ngunit lingid sa lahat, tanging ang kanyang mababaw na kasiyahan lamang ang napupunan nito at hindi ang tunay na kaligayahan sa buong pagkatao. Bagaman mahirap ang ganitong pagsubok, kailangang balikan ang mga sandaling dapat magpapalaya sa sinuman mula sa mga alon ng mundo—ang mga alon ng pagka-uso at gusto ng nakararami.

Magkaiba man ang mundong ginagalawan ng isda at ng tao, iisa naman ang anod na patuloy na makikialam sa buhay nila. At tulad ng sa isda, lilipas din ang buhay ng tao.

Lilipas din ang buhay ko. Hindi ko maikukubling napasunod na rin ako sa daloy ng alon. Hindi ko man gusto, tunay na mahirap labanan ang nakagawiang agos. Parang ako ang isdang nanigas sa dalampasigan, hindi nakayanan ang hampas ng alon. Sana lamang, hindi ko na hantungan pa ang kanyang sinapit. Kumikislap nga ang kaliskis subalit wala nang hininga.

Kahit na ganito ang ikot ng mundo ko ngayon, alam ko na walang sukuang mangyayari. Patuloy kong lalabanan ang agos, sa paraang alam at kaya ko. Gagalugarin ko pa rin ang iba’t ibang bahagi ng mundo. Sa ganoong paraan ko lamang mapapatunayan sa sarili ko na kayang talunin ng katapangan ang lakas ng alon na itinatapon sa akin ng tusong karagatan ng buhay.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.