ISANG taon matapos itatag ang Reserve Officers Training Corps (ROTC) sa Pilipinas, itinatag sa Unibersidad ang ngayo’y 64 nang taong kapatiran ng mga Tomasinong kadeteng opisyal, ang Golden Cross and Sabers Fraternity.

Itinatag noong 1937 ang samahan na ang pangunahing hangarin ay ang mabigyang halaga at mapaunlad ang disiplina, pagkakaisa, katapatan at integridad ng mga miyembro nito. Layunin ng samahan na mapanatili ang pagkakaisa at kapatiran ng mga miyembro nito. Hangad rin ng Golden Cross and Sabers na maitatak sa mga gawain ng mga miyembro nito ang dakilang pagnanais ng organisasyong mapabuti ang kanilang pagkatao at ang pagpapahalaga sa kaunlarang pang-ispirituwal ng bawat isa.

Binuo ang ekslusibong organisasyong ito ng mga itinalagang kadeteng opisyal ng UST. Kabilang ang Rektor ng Unibersidad, paring tagapamahala ng Department of Military Science and Tactics (DMST), Hepe ng Hukbong Sandatahan, at Pangulo ng Pilipinas sa mga honorary members ng organisasyon. Samantala, itinuring na mga associate members kapwa ang mga komisyonado at hindi komisyonadong opisyal ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas, gayundin ang lahat ng mga alumni ng lokal na sangay ng programa ng DMST.

Kabilang sa mga unang opisyal ng Golden Cross and Sabers sina: Cdt. Col. Roberto Maravillas (Commander); Cdt. Lt. Col. Francisco del Gallego (Vice-Commander); Cdt. Lt. Romeo Abad (Adjutant General); Cdt. Lt. Temistocles Elvina Jr. (Quartermaster General), at Lt. Rene Auillas (Press Relations Officer). Si Lt. Armando Romero ang naging tagapayo ng samahan, kasama si Lt. Timoteo Gabriel bilang kanyang katulong na tagapayo.

Sa kasalukuyan, sa pamumuno ng National Commander nitong si Ret. Gen. Angel Sandang, matatag pa ring kinakatawan ng Golden Cross and Sabers ang dakila nitong layunin – ang makabuo ng isang samahang matatawag ng bawat miyembro na pamilya.

READ
GMA cites importance of skilled professionals

Noon po sa amin

Matapos ang ilang pagpupulong sa tanggapan ng Rektor, tuluyang naaprubahan ang pagsasaayos ng mga dokumento ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng computerization system noong Oktubre 3, 1972.

Naging sanhi ng pagkaantala ng nasabing proyekto ang pagnanais na magkaroon ng isang desisyong magmumula sa nakararaming miyembro ng komunidad ng UST. Bago magpasiya, kinonsulta muna ng dating P. Rektor Leonardo Legaspi, O.P ang mga guro, tagapamahala ng bawat kolehiyo, tagapamahala ng mga computer units, at mga mag-aaral ng Unibersidad.

Nang maaprubahan, nagkaroon ng isang taong kontrata ang UST at ang Automation Center of the Philippines (ACP). Sa ilalim ng nasabing kasunduan, titiyakin ng ACP ang maayos na sistema ng pagtatala matapos maipasa sa kanilang tanggapan ang mga kopya ng marka ng mga mag-aaral.

Sa halagang P 1.23 bawat mag-aaral, apat na kopya ng dokumento ang gagawin ng ACP – ang Parent’s Copy, Dean’s Copy, Registrar’s Copy, at dalawang kopya para sa Kagawaran ng mga Pribadong Paaralan.

Hindi sabay-sabay na ipinatupad ang sistema ng computerization sa Unibersidad. Nagtakda ang administrasyon ng isang iskedyul para sa bawat kolehiyo: 1973-1974, Faculty of Engineering at dating College of Architecture and Fine Arts; 1974-1975, Faculty of Arts and Letters, College of Science, at College of Commerce; 1975-1976, Faculty of Pharmacy, College of Education, at College of Nursing.

At dahil sa hindi naman kumplikado at madali namang maisaayos ang kani-kanilang pagmamarka, hindi na isinama sa sistema ang Ecclesiastical Faculties, Faculty of Civil Law, Faculty of Medicine and Surgery, Graduate School, at ang Pay High School.

READ
Ang paglalayag ng mga Tomasino

Natapos ang kontrata ng Unibersidad sa ACP noong Marso 1980, matapos magtayo ito ng sarili nitong computer center.

Sa pamamagitan ng computerization, hindi lang napadali ang pagsasaayos ng mga kopya ng mga marka ng mga Tomasino. Nabawasan din ang malawak na pandaraya ng ilang mag-aaral sa pamamagitan ng pagbubura ng kanilang mga grado.

Tomasino Siya

Tomasino ang batikang mambabatas at mamamahayag na si Numeriano Tanopo Jr.

Matapos kunin sa UST ang kanyang Bachelor of Literature noong 1951, nagsilbi si Tanopo bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng Pangasinan para sa 1971 Constitutional Convention (Concon). Nahalal siya rito bilang tagapangulo ng Komite ng Serbisyo Sibil.

Bilang mambabatas, nakilala si Tanopo sa pagbibigay ng mga resolusyong nagmumungkahi ng mga batas para sa bayan: Resolution No. 041, na nagmungkahing ibaba sa 18 ang edad ng pagboto; Resolution No. 041, naukol sa pagtataas ng Komisyon ng Serbisyo Sibil tungo sa pagiging hiwalay na constitutional commission; at Resolution No. 043, na nagmumungkahi sa pagbubuo ng Commission on Audit bilang isang independent constitutional body.

Bilang isang delegado ng Concon, naging kasapi si Tanopo ng Committee on Legal Affairs sa ilalim ng Foreign Relations and Personnel.

Habang aktibong nagsisilbi bilang abogado mula 1952 hanggang 1977, naging miyembro si Tanopo ng Philippine Constitution Association. Samantala, mula taong 1968 hanggang 1970, naupo si Tanopo bilang Pangulo ng Dagupan Lawyers League.

Maliban sa pagiging isang abogado at mababatas, nagsilbi rin si Tanopo bilang tagapamahalang patnugot ng Pioneer Herald mula 1953 hanggang 1956. At noon din taong iyon, naging tagapangulo siya ng programang Meet the Press ng DZRI sa siyudad ng Dagupan.

READ
Clergy given power to absolve abortion during Holy Year

Tinanggap ni Tanopo mula sa UST Alumni Association ang karangalan bilang Most Outstanding Achiever noong Enero 1982.

Tomasalitaan

Palumat-lumat – (pang-uri) paliguy-ligoy o paikot-ikot ng sinasabi

Mahirap unawain ang tinuturong aralin ng propesor dahil palumat-lumat itong magpaliwanag.

Mga Sanggunian:

Prop. Rogelio Obusan, UST Publishing House.

Josefina Lim-Pe. UST in the Twentieth Century.

Norberto de Ramos, I Walked with 12 UST Rectors.

The Varsitarian. Oktubre 27, 1946. p.34.

The Varsitarian. Disyembre 20, 1946.p.17.

UST Alumni Association, Thomasian’s Who’s Who, Volume 1.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.