MANINGNING ang pangalan ng mga Tomasinong nagtagumpay sa iba’t ibang larangan at nag-alay ng kanilang mga kaalaman sa lipunan. Isa sa kanila si Azucena Vera Perez, na nag-ukol ng kanyang panahon at galing sa paglilingkod para sa bayan.

Nagtapos ng B.S. Chemistry sa Unibersidad si Azucena noong 1941. Ngunit iba ang tinahak niyang landas nang lisanin niya ang kolehiyo. Mas pinili ni Azucena ang magsilbi sa publiko kaysa ipagpatuloy ang tinapos na kurso.

Tulad ng kanyang ama, ang dating senador Jose Vera, taglay ni Azucena ang pusong handang tumulong sa kanyang kapwa. Naging aktibo siya sa iba’t ibang organisasyon, charities, fund drives, at mga programa para sa paglilinang ng kultura, edukasyon at kalusugan. Naging vice-chairman siya ng Philippine Heart Association. Ilan pa sa mga organisasyong kanyang sinalihan ang Women’s International League, Philippine National Red Cross, Lions Club of the Philippines, Blue Cross, White Cross, Association Charities, Community Chest, at Zonta Club.

Malaki rin ang naitulong ni Azucena sa mga proyektong may layuning mapabuti ang pamumuhay ng mga Pilipino. Inihandog niya ang kanyang serbisyo at tumulong siyang makumpleto ang pondo upang maitayo ang Vicente Madrigal Training School for Boys at ang Golden Acres, isang tahanan para sa mga matatanda.

Dahil doon, binigyan siya ng Malacañang ng Plaque of Appreciation at Plaque of Recognition para sa dalawang magkahiwalay na proyekto.

Noong 1961, nakatanggap din si Azucena ng Plaque of Appreciation mula sa Philippine Tuberculosis Society Inc. para sa kanyang pamumuno sa walang sawang pakikibaka sa tuberculosis.

Bukod sa paghahandog ni Azucena ng kanyang serbisyo sa ikabubuti ng lipunan, nagpamalas din siya ng galing sa industriya ng pelikula.

READ
Medtech profs bag PAMET award

Naging ingat-yaman si Azucena ng Philippine Motion Picture Producers Association at miyembro ng Federation of Producers in Asia (FPA). Isa rin siya sa mga unang Pilipinong sumali sa 5th Asian Film Festival noong 1958 at 8th Asian Film Festival noong 1961.

Simula 1966 hanggang 1967, nagsilbi naman si Azucena bilang chairman ng marketing committee ng Philippine Motion Picture Producers Association.

Sapagkat maraming nagawang kahanga-hanga si Azucena, napabilang siya sa mga “Outstanding Thomasian” ng Unibersidad noong 1976.

Larawan ng isang bituing handang magsaboy ng liwanag si Azucena. Sa pamamagitan ng kanyang kaalaman at ginintuang puso, nagawa niyang maging ulirang Tomasino. Marami siyang natulungan at marami rin siyang buhay na nabago.

Tomasalitaan:

Inaglahi (Pandiwa)—kinutya, pinintasan

Halimbawa:

Inaglahi niya ang matandang lalaki dahil sa nakakatuwang pananamit nito.

Sanggunian:

Thomasian Who’s Who ‘82

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.