Muli na namang silang nag-ingay.

Kamakailan, naisip kong lisanin muna ang nakapanlulumong balita mula sa Pilipinas at ilipat sa CNN channel ang telebisyon. Nagulat ako nang makita ang ilang batang kumakaway sa lalaking tila umiiyak habang nagbabasa ng kanyang talumpati. Doon ko napag-alamang siya pala si James Mcgreevey.

Sino nga ba si Mcgreevey at ganoon na lang karisma niya sa mga tao? Hindi ko na ikinagulat nang malamang sa loob lamang ng dalawang taong panunungkulan sa New Jersey, naitayo ang pinakamoderno at pinakamahal na pampublikong paaralan sa Amerika. Nabiyayaan rin ang halos 38,000 katutubo na magkaroon ng trabaho, taliwas sa kinahinatnan ng pambansang ekonomiya ng Amerika kung saan bumaba ang job turn-outs noong 2001 at 2002. At nabawi rin ng lokal na gobyerno ang halos 15 milyong dolyares na pagkukulang nang walang anumang pagtataas ng buwis o pandagdag pasanin sa mga tao.

Sa kasamaang-palad, bumaba sa puwesto si James Mcgreevey bilang gobernador ng New Jersey. Bunsod ito ng makulay na eskandalong kinapalooban niya sa nakaraang mga buwan, na siya namang nagpagitla at nagpataas ng kilay sa maraming tao. Wala siyang nasirang buhay o nagastos na pera mula sa kanyang mga kababayan, ang pagpatol sa kanyang kapwa-lalaki ang tanging pagkakamaling nagawa niya.

Mula sa pag-uusig ng konsensiya, naisipan niyang bitiwan ang puwesto; hindi dahil duwag siya o nawawalan ng pag-asa, kundi tawag ng moralidad at pagtanggap sa sarili.

Kung ganito na lang sana ang gawi at paninindigan ng mga Filipinong manunungkulan marahil hindi hahantong sa kaguluhan ang Pilipinas.

***

Batikos naman ang inabot ng proposed bill ni Akbayan Rep. Etta Rosales ukol sa pagbababawal ng diskriminasyon o anumang pagmamarka sa mga homoseksuwal. Ayon sa House Bill 02784, makatatanggap ng kaukulang parusa ang hindi maka-taong pagtrato sa mga homoseksuwal, gaya ng hindi pagtanggap sa trabaho at makakuha ng benepisyo mula rito, kakaibang trato sa mga pampublikong lugar, at pagtingin ng mababa sa kanilang pagkatao.

READ
USTPH, pirangalang 'publisher of the year'

Nakatatawang isipin na marami pa ring hindi makaintindi at patuloy na sarado ang isipan sa ganitong isyu. Sabi ng ilan, hindi raw kailangan ipagpilitan pa sa batas ang pagkapantay-pantay na gustong makamtan ng mga homoseksuwal. Ang pagkakaroon daw mismo ng batas ang siyang patunay na tinatanggap nilang hindi patas ang pagtingin sa kanilang oryentasyon at pagkatao.

Kung ganoon man, bakit mayroon pang batas na nagbabawal sa hindi makatarungang pagtrato ng mga may-kapansanan at katutubo? Hindi ba’t kagaya rin sila ng mga homosekswal napinupuntirya’t nilalamangan ng mga taong wala namang silbi’t magagawa para sa bayan?

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.